Pinandirihan ng netizens ‘EPAL’ NI CAYETANO INUPAKAN

MULING nakatikim ng masasakit na puna at batikos si House Speaker Alan Peter Cayetano nang ibida at ipamukha sa publiko na siya at ilang opisyal ng pamahalaan ay pawang “frontliners” na lumalaban sa pandemyang novel coronavirus 2019 o COVID- 19.

Mabilis na kumalat at pinagpiyestahan sa social media ang litrato ni Cayetano na kasama si Executive Secretary Salvador Medialdea na hawak ang manila paper na may
nakasulat na : “Together with doctors and frontliners, we went to work for you, so please stay home for us.”

Ang nasabing eksena na ikinagalit ng netizens ay naganap bago simulan ang espesyal na sesyon ng mababang kapulungan ng Kongreso hinggil sa pagbibigay ng “special power” kay Pangulong Rodrigo Duterte na galawin, ilipat at gawing supplemental fund ang pondo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan hanggang umabot sa P275 bilyon na ipamamahagi sa mamamayan habang sinusugpo ng pamahalaan ang COVID-19.

Makikita sa larawan na nasa likuran nina Cayetano at Medialdea ang ilang mambabatas na tuwang-tuwa habang nag-uusap.

Sabi ng isang Juan Miguel Severo: “Ang kakapal [ng mukha]. Magka-level kayo? Malinis kayo?”

Sa matapang na akusasyong makakapal ang mukha kasabay ng pagkuwestiyon sa pagsasabing si Cayetano ay kaparehas ng mga doktor at iba pang frontliner na
nangunguna sa paglaban sa COVID-19.

Hiniling naman ni Ogie Rosa sa netizens na “kung hindi n’yo pa nakita [ang litrato ni Cayetano at iba pa na may hawak ng manila paper], huwag n’yo nang hanapin.

NAKAKASUKA!”
Tinawag naman ni RJ Javellana na estilong “tradpol” (traditional politician) ang ginawa nina Cayetano at Medialdea.

Ganito naman ang tugon ni James Vitaliano: “How dare you equate your privilege jobs to the doctors, nurses, health workers, all frontliners! They’ve been there since day 1 [of the existence of COVID-19 in the country]. They’ve suffered with the patients while you have done nothing, but to sit on your millions. You can’t sit w/ them! Ang kakapal n’yo, lalo ka na Cayetano!”

Ang isa naman netizen ay higit na humahanga sa mga janitor sa mga ospital kaysa mga politiko at opisyal ng pamahalaan, lalo na kay Cayetano.

Wika niya, “Itong si Cayetano na ‘to gusto lang magpapogi.”

Sa mga nakalipas ding pangyayari kung saan ibinibida ni Cayetano ang kanyang sarili o mga nagawa ay sangkatutak na pambabatikos at masasakit na akusasyon ang ibinato
sa mambabatas mula sa lungsod ng Taguig.

Kapatid ni Speaker Cayetano ang alkalde ng Taguig na si Mayor Lino Cayetano at asawa ng una ang kinatawan ng ikalawang distrito ng Taguig na si Rep. Ma. Laarni “Lani” Cayetano.  NELSON S. BADILLA

135

Related posts

Leave a Comment