HINDI na ikinagulat sa mababang kapulungan ng Kongreso na ang Pilipinas ang may pinakamataas na fatality rate sa hanay ng health professionals sa gitna ng pananalasa ng coronavirus disease 2019.
Ayon kay ACT party-list Rep. France Castro, isa sa mga dahilan nito ay ang kakulangan ng proteksyon ng mga health worker.
Ginawa ni Castro ang pahayag matapos lumabas sa datos ng John Hopkins University na nagtala ang Pilipinas ng 9.95% na fatality rate sa hanay ng mga healthcare worker sa buong mundo.
“Malaking porsyento ng mga namatay mula sa COVID-19 ay healthcare workers natin.
Binubuwis nila ang kanilang buhay para protektahan at alagaan ang mga kababayan nating may sakit, the least we can do is provide them with adequate protection as they continue to serve the people by being at the frontline of the battle against this virus,” ani Castro.
Sumabak aniya ang mga health professional sa giyera na walang proteksyon dahil ang Department of Health (DOH) ay noong Marso 30, 2020 lamang umano namili ng isang milyong PPEs na nagkakahalaga ng P1.8 Billion. BERNARD TAGUINOD
