INALERTO ng Malakanyang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa posibilidad na ikasa ng pamahalaan ang forced evacuation para sa mga Pilipinong maiipit sa matinding tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
“Eh kung nanganganib ang kanilang buhay, siyempre gagawin ang lahat ng pamahalaan upang mailigtas sila sa kapahamakan,” ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo.
Gayunman, sa ngayon aniya ay wala pang forced evacuation na gagawin ang pamahalaan.
“Yung nanganganib ang kanilang buhay at saka yung gusto kasi hindi mo rin mapilit kung ayaw nilang sumama sa’yo. May mga Filipino rin na kahit na may giyera, ayaw nilang umalis dun,” ayon kay Sec. Panelo.
Nauna rito, nakipagpulong ang Chief Executive sa AFP upang alertuhin ito sa posibleng paglilikas sa mga Pinoy sa Middle East.
EPEKTO SA LANGIS
Sa kabilang dalo, tinitingnan ni NEDA Secretary Ernesto Pernia ang posibleng implikasyon ng tensyon sa presyo ng langis at pangunahing bilihin.
“Sabi ni NEDA Secretary Pernia, mino-monitor nila ‘yan, tinitingnan nila kung anong magiging epekto at paghahandaan nila,” ang pahayag ni Sec. Panelo.
Naniniwala naman si Sec. Panelo na mayroong nakahandang mga hakbangin ang economic managers ni Pangulong Duterte upang tugunan kung anoman ang krisis na darating dulot sa nasabing Middle East tension.
DEPLOYMENT BAN
Pinag-aaralan na ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Justice (DOJ) ang pagpapatupad ng deployment ban sa mga bansang Iran, Iraq at Libya kaugnay ng namumuong tensyon sa Middle East makaraang atakihin ng US ang Iraq na nagresulta sa kamatayan ng mataas na opisyal ng militar ng nasabing bansa.
Ayon kay DOJ Secretary Menandro Guevarra, nakahanda na siyang atasan ang Bureau of Immigration (BI) upang pigilan ang mga Overseas Filipino Worker (OFWS) sa pagtungo sa tatlong bansang nabanggit.
Sa nakuhang tala, mayroong 1.2 milyong Filipino sa Middle East; 1,190 documented at 538 undocumented na manggagawa sa Iraq, na 88 sa mga ito ay nakatira sa kabisera ng Baghdad.
KONTRA SA TOTAL BAN
Dahil kailangan pa rin ng mga kababayan natin ang trabaho at kumita nang mas malaki, iminungkahi ng isang mambabatas sa mababang kapulungan na ikonsidera ang total ban sa deployment sa Kuwait.
Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, mas pabor ito sa partial ban kesa total ban ng OFWs sa Kuwait tulad ng plano ng DOLE.
“If we implement a total ban, we are depriving our fellow countrymen the opportunity to earn more for their families,” ayon pa kay Pimentel.
Sa ngayon ay umaabot sa 260,000 OFWS ang nasa Kuwait kung saan 60% sa mga ito ay mga Household service workers (HSWs), dating kilala bilang Domestic Helpers (DH) o Kasambahay.
SYMPATHY ATTACK
Iniulat din kahapon ni AFP chief of staff Lt. Gen. Felimon T. Santos na nakaalerto ang Hukbong Sandatahan at binabantayan ang aktibidad ng mga lokal na teroristang grupo.
Sa kauna-unahang flag raising ceremony ni Gen. Santos bilang bagong pinuno ng AFP nitong Lunes ay inihayag nito na kabilang sa binabantayan ang mga ulat na maaaring makisimpatya sa Iran ang mga lokal na terorista kasunod ng pagkasawi ng kanilang top general na si Qassem Soleimani sa Iran.
Sa ngayon, tiniyak naman ni Santos na wala pang namo-monitor ang AFP na anomang banta sa bansa.
Inihayag din ni Santos na ipinatawag ni Pangulong Duterte si Defense Secretary Delfin Lorenzana, ilang gabinete, siya at ang tatlong major services ng AFP para talakayin ang epekto ng drone attack ng US sa bansang Iraq na ikinamatay ni Soleimani.
Patuloy umano ang monitoring ng AFP sa mga itinuturing na affiliated gaya ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at kung kasama ang Pilipinas sa mga posibleng targetin nito.
Panawagan ni Sen. Imee Marcos…
TUMUTOK SA BUONG ME
Hiniling din kahapon ni Senadora Imee Marcos sa administrasyong Duterte na huwag ipokus ang aksyon nito sa overseas Filipino workers (OFWs) na nakabase sa Iran at Iraq.
Sabi ni Marcos, “Hindi dapat tayo nakatali lang sa kung anong magiging kalagayan ng ating mga kababayan sa Iran at Iraq. Sa anomang gagawing hakbang ng ating pamahalaan, hindi ito dapat nakasentro lang sa Iran at Iraq. Mas dapat natin bigyang pansin ang magiging kaligtasan ng milyon nating kababayang OFWs sa buong Middle East.”
Hangad din ng Federation of Free Workers (FFW) na iligtas ng administrasyong Duterte ang dalawang milyong OFWs sa buong Middle East na apektado ng giyera ng Estados Unidos at Iran. (CHRISTIAN DALE, DAVE MEDINA, JESSE KABEL, NELSON S. BADILLA at BERNARD TAGUINOD)
