PINOY WALANG TIWALA SA RAPPLER AT ABS-CBN

HINDI sukatan ang lalim ng bulsa ng kapitalista sa likod ng mga media organization para umani ng tiwala. Ito ang buod ng isang survey kung saan nanguna ang Rappler at ABS-CBN sa talaan ng media entities na hindi katiwa-tiwala.

Sa pinakahuling survey na nilahukan ng 1,500 respondents sa pangangasiwa ng Publicus Asia, lumalabas na walang tiwala ang nakararaming Pinoy sa media giants na higit na kilalang kritikal sa administrasyong Duterte.

Sa talaan ng 16 media giants, nanguna ang Rappler na may 19.133 sa mga “no trust” rating na sinundan naman ng ABS-CBN na umani ng 15.333 antas ng disgusto.

Sa datos na ipinaskil ng Publicus Asia sa kanilang website, ang nasabing survey ay isinagawa umano mula Hulyo 13 at nagtapos Hulyo 19.

Lumalabas namang nanguna sa media companies sa bansa ang CNN Philippines na umani ng pinakamataas na antas ng “high trust” rating sa larangan ng pagbabalita. Sumunod naman ang GMA-7, Philippine Daily Inquirer, Manila Bulletin, Philippine Star, Manila Times at TV5.

“And with a 60% high trust, CNN Philippines captures the high trust rating top spot. GMA7 and Philippine Daily Inquirer round-up the top 3 spots as the most trusted media outlet. While Rappler and ABS CBN (online) garnered the highest total low trust ratings,” saad ng Publicus Asia.

Ang Rappler ay itinaguyod taong 2012 ng dating CNN Southeast Asia reporter and Fil-Am na si Maria Ressa.

Magugunitang kinansela ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang certificate of incorporation ng Rappler noong taong 2018 dahil sa ilegal na paggamit ng Philippine Depositary Receipts, na nagbigay daan upang mapasakamay ng bilyonaryong Pierre Omidyar ang nasabing media organization.

Mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Saligang Batas ang pagmamay-ari ng anomang media entity sa mga dayuhan.

Ang ABS-CBN naman ay tuluyan nang tinanggalan ng prangkisa ng Kamara noong Mayo ng nakaraang taon. (FERNAN ANGELES)

271

Related posts

Leave a Comment