Pinukpok ng super kalan, sinaksak ng icepick GINANG KRITIKAL SA PANANAKIT NI MISTER

CAVITE – Inoobserbahan sa ospital ang isang ginang matapos na pukpukin sa ulo gamit ng tangke ng super kalan at saksakin ng icepick sa katawan ng kanyang mister sa Dasmariñas City, sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Catherine Logronio, nasa hustong edad, ng Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City, kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Pagamutan ng Dasmariñas City dahil sa mga sugat sa ulo at katawan.

Kasong frustrated parricide ang kinahaharap ng asawa ng biktima na si Rolando Bonete, nasa hustong edad.

Ayon sa reklamo ni Monica Francial, kapatid ng biktima, kay P/MSgt. George Fajardo Jr. ng Dasmariñas City Police, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa sa kanilang bahay dakong alas-6:30 ng umaga.

Hindi umano nakapagtimpi ang mister na kinuha ang tangke ng super kalan at ipinukpok sa ulo ng kanyang asawa na si Catherine. Hindi pa nakuntento, sinaksak pa ng suspek ng ice pick ang biktima.

Hindi naman binanggit ng pulisya kung ano ang pinag-awayan ng mag-asawa.

Isinugod ang biktima sa ospital habang ang suspek ay kusang loob na sumuko sa pulisya.  (SIGFRED ADSUARA)

388

Related posts

Leave a Comment