(BERNARD TAGUINOD)
KAHIT anong gawin ng kanilang mga kritiko, malaking pangalan pa rin ang mga Marcos sa pulitika at plus factor pa rin ang mga ito sa sinomang kandidato tulad ni House majority leader Martin Romualdez.
Tinuran ito ni Romualdez sa isang TV interview kahapon kaugnay ng pagtutulak sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
Ayon sa mambabatas, wala pa siyang pinal na desisyon kung tatakbo subalit ngayon pa lamang ay iniintriga na ito dahil sa koneksyon nito sa mga Marcos, subalit hindi umano nito ikinahihiya na kaanak nito ang dating First Family.
“I’m a Romualdez first and obviously I’m related (to the Marcoses) and I’m proud of the relationship,” ayon sa pamangkin ni dating First Lady Imelda Marcos, na pangulo ng Lakas-CMD.
Aminin man aniya ng lahat o hindi, nananatiling malaking pangalan ang mga Marcos sa mundo ng pulitika sa Pilipinas at plus factor umano ang nasabing pamilya sa mga kandidato.
“The relationship has always been a good relationship in terms of not just familial, but personal relationships, even politically. The Marcoses are still a very big name in politics, and having them with you is always a plus,” paliwanag pa ni Romualdez.
Samantala, nilinaw ni Romualdez na hindi nagpapa-endorso si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Ginawa ng mambabatas ang nasabing pahayag matapos makipagkita sina BBM at Sen. Imee Marcos kay Arroyo kamakailan.
“He was not there to seek an endorsement, it was nothing like that. It was almost like a meeting of old friends. It was just probably an exchange of ideas vis-a-vis personalities in the Senate whom Senator Imee works with and the experience of former President at the Senate, and I guess how to be better legislators,” ayon sa mambabatas.
Isa si BBM sa matunog na kandidato bilang vice president sa 2022 at sinabi ni Romualdez sa isang press conference sa Kamara na hindi sila magbabanggaan ng kanyang pinsan kapag nagpasya ang una na tumakbo.
