HINDI kontento ang isang mambabatas sa Kamara na homicide lang ang kasong isinampa ng San Narciso Police Station sa Zambales sa isang kadete sa pagkamatay ni Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) Cadet 4CL Jonash Bondoc at hiniling nito sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon.
Ayon kay Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun, kailangang magkaroon din ng hiwalay na imbestigasyon ang Commission on Higher Education (CHED) dahil may mga indikasyon na hazing ang sanhi ng pagkamatay ni Bondoc.
“I call on the NBI to lead the independent investigation, along with CHED which should look into the policies, practices and so-called traditions in the Academy that may be paving the way for these violent processes among cadets and officials,” ani Fortun.
Magugunitang natagpuang walang malay sa palikuran ng PMMA sa San Antonio, Zambales si Bondoc noong Martes ng umaga at sinampahan ng kasong homicide ang suspek na si Cadet CL Jomel Gloria.
Ayon sa mambabatas, maraming sugat si Bondoc bukod sa nagkaroon ito ng hematoma o pamumuo ng dugo sa dibdib, tiyan, leeg at intracerebral hemorrhages na indikasyon na hindi ito simpleng kaso ng homicide.
Sinabi ng mambabatas na taliwas ang statement ni Gloria sa resulta ng awtopsiya kay Bondoc kaya duda ito na posibleng nagkaroon umano ng sabwatan upang mapagtakpan ang pananagutan ng PMMA officials.
Naging open-secret na umano sa mga akademya na nagkakaroon ng hazing subalit hindi napapanagot ang mga opisyales lalo na kapag walang casualty o hindi namatay ang biktima.
Base sa anti-hazing law, hindi lang ang mga sangkot na kadete ang pananagutin kapag nagkaroon ng hazing sa kanilang bakuran kundi maging ang mga opisyales ng institusyon. (BERNARD TAGUINOD)
353 