INILAGAY ng PNP Directorate for Operations sa full alert status ang limang police regional office nito kaugnay sa ginagawang hakbang ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IAFT-EID) para masupil ang pagkalat ng nakamamatay na COVID-19 sa kalakhang Maynila at karatig lalawigan.
Base sa inilabas na memorandum mula sa tanggapan ni P/Ltgen Guillermo Eleazar, simula ala-1:00 ng madaling araw ng Biyernes (March 13) ay nasa full alert status ang PNP- National Capital Region Police Office (NCRPO) at mga Police Regional Office sa Region 3 (Central Luzon), Region 4-A (Calabarzon), Region 4-B (Mimaropa) at Region 5 (Bicol).
Habang nasa diskarte naman ng ibang Police Regional Offices kung kinakailangan nilang magtaas ng antas ng kanilang alerto sa kanilang nasasakupan base sa direktiba ng PNP na ayon sa ibinabang rekomendasyon ng IATF kay Pangulong Duterte.
Kaugnay nito, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi sila makikialam sa paglikha ng guidelines sa travel ban sa halip ay tutulong lang sila sa PNP sa implementasyon nito.
“The military will not be involved in the determination of the guidelines to enforce the restricted movement. It is the PNP. The military will just be in the support role as they do not have police powers. I am sure the DILG and PNP are now coming up with the guidelines,” ayon sa pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Nabatid na walang pagbabago sa operasyon ng AFP at nadagdag lamang dito ang kanilang suporta sa hakbangin ng pamahalaan na masupil ang pagkalat ng COVID-19.
Samantala, inihayag ni AFP chief of Staff Gen Felimon T Santos na handa na ang Hukbong Sandatahan na ayudahan ang PNP sa implementasyon ng community quarantine sa ilang piling lugar.
“Our different units were earlier directed to prepare their contingency measures to make this possible without compromising our peace and security operations,” pahayag naman ni Philippine Army chief Lgen Gilber Gapay.
BABANTAYAN
Inihayag naman ng mga militanteng grupo na babantayan nila ang mga pulis at militar na magpapatupad ng mga checkpoint matapos isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Metro Manila sa community quarantine.Ito ang napag-alaman sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Layon ng quarantine na hindi makalabas ang mga residente sa Metro Manila at hindi rin makapasok ang mga taga-probinsya maliban sa mga magdedeliber ng basic goods lalo ang supply ng pagkain.
Ayon kay Danilo Ramos, chairman ng KMP, partikular na babantayan ng mga ito ang posibleng pang-aabuso sa karapatan ng mamamayan ng mga pulis at militar sa mga ilalatag na checkpoint.
“Refrain from exercising abuse of authority and overkill actions,” babala ni Ramos sa mga pulis at militar na magsisimula nang bantayan ang mga boundary sa Marso 15, o Linggo ng madaling araw. JESSE KABEL, BERNARD TAGUINOD
174 