PINAGHANDAAN ng Philippine National Police ang pagpapatupad ng granular lockdown sa Metro Manila para matulungan ang national government sa pagsawata sa pagkalat ng nakamamatay na coronavirus.
Ayon kay PNP chief, P/General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, handa ang pambansang pulisya na tumulong sa gagawing pilot testing ng granular lockdown sa Metro Manila simula Setyembre 8.
Una nang inatasan ni P/Gen. Eleazar ang lahat ng police commanders sa Metro Manila, sa pamamagitan ng Joint Task Force COVID Shield na pinamumunuan ni P/Lt. Gen. Israel Ephraim Dickson, at NCRPO Regional Director P/MGen. Vicente Danao, Jr., na makipag-ugnayan sa kani-kanilang lokal na pamahalaan tungkol sa pagpapatupad ng granular lockdown.
“Batay na rin sa kautusan ng ating SILG Eduardo Año, inatasan ko na ang ating police commanders sa Metro Manila na makipag-ugnayan sa kani-kanilang local government units sa pagpapatupad ng granular
lockdown upang matiyak ang maayos na pagpapatupad at maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad nito,” pahayag ni P/Gen. Eleazar.
Nabatid na bago pa man ang anunsyo ng granular lockdown, inatasan na ni P/MGen. Danao ang lahat ng police commander sa Metro Manila, base sa direktiba ni Gen. Eleazar, na maghanda sa posibleng pagpapatupad ng granular lockdown sa Mega Manila.
Dahil sa anunsyo ni SILG Año, sinabi ni P/Gen. Eleazar na dapat nagsimula na ang ugnayan para masiguro na maayos itong maipatutupad.
Magkagayunman, ilang LGUs na ang nagpatupad ng granular lockdown sa kani-kanilang nasasakupan.
Base sa datos ng PNP, may 51 barangays sa Metro Manila ang kasalukuyang nakapailalim sa granular lockdown.
Nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ang National Capital Region hanggang Setyembre 7.
Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na ang pilot testing para sa granular lockdown sa Metro Manila ay magsisimula sa Setyembre 8. Matapos nito ay pag-aaralang maigi bago magbigay ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi naman ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, mabuti ang granular lockdown para sa ekonomiya dahil maraming negosyo at mga establisyemento ang papayagan nang mag-operate sa gitna ng COVID-19 pandemic. (JESSE KABEL)
