POCKET send off ang isa sa plano ng Technical working Group (TWG) ng Hatid Tulong Initiative Program para sa susunod na batch ng mga uuwing Locally Stranded Individuals (LSIs).
Ayon kay ASEC Joseph Encabo, kasama si Col. Gerry Zamudio ng Philippine Air Force, sa programang UP UP Pilipinas, layon ng Pocket Send Off ang mas kontrolado at sistematikong
pagpapauwi sa mga LSI.
Sa nasabing sistema, by region o lalawigan ang send off sa isang araw o linggo hanggang sa dahan-dahang maubos ang mga LSI na naghihintay at naproseso na makauwi sa kani-kanilang mga
probinsya.
Ayon kay ASEC Encabo, kapag ang LGUs ay humiling ng isang hatid tulong assistance, aalamin sa kanila mismo kung ilan lamang ang bilang ng LSI na kayang tanggapin sa quarantine facilities upang hindi sumobra ang mga ito.
Aniya pa, manggagaling na rin sa LGUs ang listahan ng LSI upang mapatunayan na sa kanilang probinsya sila talaga uuwi.
Samantala, idinagdag ni Col. Gerry Zamudio na ipinakikita ng Hatid Tulong Initiative Program na ang konsepto ng whole of nation approach and good governance ng NTF ELCAC ay aktibong gumagana sa panahon ngayong krisis para tugunan ang pangangailangan ng ating mga apektadong kababayan.
Malaki naman ang pasasalamat ni Asec Encabo kay Lt. Gen. Allen T Paredes, Commanding General ng Philippine Air Force, sa pagpapahiram nito ng mga eroplano na naghatid at maghahatid pa sa mga LSI sa kanilang mga destinasyon. (DAVE MEDINA)
186 