(NI KEVIN COLLANTES)
MAGPAPATUPAD muli ang Manila Electric Company (Meralco) ng isang linggong pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente sa ilang lugar sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan, ngayong unang linggo ng Abril, bunsod ng ilang nakahanay na maintenance works.
Sa paabiso ng Meralco, ang power interruption ay magsisimula ngayong Abril 1, Lunes, at magtatagal hanggang sa Abril 7, Linggo.
Nabatid na kabilang sa mga apektadong lugar ay ang Sampaloc, Sta.Ana at Sta. Mesa sa Maynila; Doña Imelda sa Quezon City; Bagumbong at Camarin sa Caloocan City at Manggahan sa Pasig City.
Apektado rin ang San Ildefonso, San Miguel, Norzagaray at San Jose Del Monte City sa Bulacan; Candaba, Pampanga; at Liliw, Nagcarlan, Pila at Sta. Cruz sa Laguna.
Kasama sa isasagawa ay line reconductoring, paglilipat ng mga pasilidad, pagpapalit ng mga sira at nabubulok na poste ng kuryente, pagretiro ng mga pasilidad na apektado ng Skyway construction, line conversion works, at iba pang maintenance works sa loob mismo ng substations ng electric company.
Kaugnay nito, humihingi naman ng pang-unawa ang Meralco sa kanilang mga kostumer dahil na rin sa abalang dulot ng kanilang maintenance works.
Matatandaang una nang nagpatupad ng power interruptions ang Meralco sa iba’t ibang lugar noong nakaraang dalawang linggo lamang dahil rin sa maintenance works.
Una naman nang nilinaw ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga na hindi kakulangan sa suplay ng kuryente ang dahilan ng mga power interruptions.
Ipinaliwanag niya na isinasaayos lamang nila ang kanilang mga pasilidad at mga linya ng kuryente para na rin sa pagbibigay ng mas maayos na serbisyo sa kanilang mga kostumer.
