(NI JULIE DUIGAN/PHOTO BY ED CASTRO)
PATAY ang isang Nigerian national habang binitbit naman ang pito pa nitong kasamahan na umano’y kaanib ng “Catfishing o Love Scam” syndicate sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Cyber Crime Division, nitong Huwebes sa Imus , Cavite.
Kinilala ni NBI spokesperson Ferdinand Lavin ang namatay na si Orisakwe Ifeanyi Emmanuel.
Samantala, binitbit naman ang mga kasamahan nito na sina Ikenna Dickson Okalla, Chukwuma George Adible, Chiboy Stanley Agbasy, Dim Remedios, Abas Kashimer,at Uba Living, na pawang Nigerian national at umookupa sa Unit 315 Isabel Building, Urban Deca Homes, Hampton, Brgy.Buhay na Tubig, Imus Cavite.
Ayon sa ulat, tinangka pa umanong paputukan ng baril at hagisan ng granada ni Orisakwe ang ilang ahente ng NBI pero bago pa natanggal ang pin ng granada ay nabaril na siya na siya nitong ikinamatay.
Nalaman na sinalakay ng NBI, ang tinutuluyan ng mga suspek sa bisa ng search warrant na inisyu ng Imus, Cavite Regional Trial Court, Branch 21.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang NBI kaugnay sa modus operandi ng mga suspek na ang karamihan ng biktima ay mga babae. Nililigawan umano nila ang mga ito na kalaunan ay peperahan na.
Nakumpiska ng NBI sa pagsalakay ang anim na laptop,11 mobile phones, isang skimming device, granada, blank cards, security strips, sim cards at mga credit cards.
Sasampahan naman ng kasong paglabag ss PD1866,RA 9516 (Law on Explosives) in relation to RA10175 Cyber Crime Prevention Act of 2012; RA 10591 kilala bilang Law on Firearms and ammunition at RA 8484 Access Device Regulation Act ang mga naarestong suspek.
316