10 BAYAN SA BULACAN, MALULUBOG SA BAHA

BULACAN – Sampung bayan sa lalawigang ito ang posibleng lumbog sa matinding baha kapag bumigay o tuluyang masira ang natitira pang limang rubber gate ng Bustos Dam o ang Angat Afterbay Regulatory Dam, na wawasak sa mga ari-arian, kabuhayan at kikitil ng buhay ng maraming tao.

Ayon kay National Irrigation Administration (NIA) Administrator Ricardo Visaya, hindi agad makukumpuni o mapapalitan ang nasirang Rubber Gate Bay 5 dahil anim na buwan pa mula ngayon darating ang materyales na ipapalit dito.

Dahil dito, nag-aalala si Bulacan Governor Daniel Fernando para sa mga Bulakenyo kung hindi ito agad makukumpuni sa lalong madaling panahon sa pangambang baka ang natitira pang limang rubber gates ay tuluyan na ring masira.

Ito rin ang paniniwala ni Vice Governor Wilhelmino Sy-Alvarado na sinabi sa kanyang speech sa nakaraang sesyon sa Sangguniang Panlalawigan, na kapag bumigay o tuluyan na ring masira ang lahat ng rubber gates ng Bustos Dam ay posibleng may maganap na “delubyo” sa lalawigan, na lulubog sa napakalaking pagbaha ang mga bayan ng Bustos, Plaridel, Pandi, Bocaue, Guiguinto, Balagtas, Bulakan, Malolos, Calumpit at Hagonoy.

“This is a gross and inexcusable negligence that may lead to the loss of hundreds of thousands of lives and a “delubyo” (catastrophe) might happen if these defective materials will not be replaced,” ayon kay Alvarado.

Kamakailan, pinangunahan ni Fernando, kabilang ang mga opisyal ng concerned agencies gaya nina NIA Administrator Visaya; NIA Deputy Administrator for Engineering and Operations Sector C’zar Sulaik; Region 3 NIA Director Josephine Salazar; Contractor Isidro Pajarillaga ng ITP Construction Inc.-Guangxi Hydro Electric Construction Bureau Co. LTD. (GHCB) Consortium, kasama rin si Bustos Mayor Francis Albert Juan; head departments ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, Agriculture, Engineering and Provincial Administrator’s Office, ang isinagawang actual ocular inspection sa Bustos Dam.

Ikinalungkot ng gobernador ang pahayag ng NIA at ng kontraktor ng rehabilitasyon ng Bustos Dam dahil sa aabutin pa hanggang Disyembre o unang buwan ng taong 2021 ang pagpapalit sa depektibong rubber gate at tiniyak na pati ang limang natitirang rubber gates ay kasamang papalitan ng contractor.

Kung magkagayon, ilang tag-ulan at mga bagyo muna ang daraan na posibleng magpalala ng sitwasyon o kalagayan ng Bustos Dam, ayon kay Fernando.

Paliwanag ni NIA administrator Visaya, mayroong mga prosesong isasagawa kung kaya’t aabutin ng hanggang anim na buwan bago mapalitan ang rubber gate kabilang na rito ang isasagawang pagsusuri at testing sa ipapalit at ito ay sa ibang bansa pa isasagawa.

Nais ni Fernando na palitan nang lahat ang anim na rubber gates dahil paliwanag nito, posible rin aniyang magkakatulad ng kalidad o quality ang lahat ng ikinabit na rubber gates na ‘made in China’ at maaaring hindi rin aniya tumagal ang mga ito.

Hindi naman tinukoy ni Visaya kung saan gawa o manggagaling ang ipapalit na materyales basta ang importante aniya ay pasado ito sa parameter at specs at sa isasagawang pagsusuri at testing.

“Buhay at kabuhayan ng mga Bulakenyo ang nakasalalay dito, kaya naman patuloy tayong nananawagan sa pamunuan ng NIA at sa contractor nito na madaliin ang pagkumpuni ng Bustos Dam… kailangan nilang umaksyon agad,” ani Fernando.

Hiling ng gobernador na Japan o Germany made sana ang ipalit dito at hindi na gawa sa bansang China.

Ayon naman kay Lauro Ballesteros, Bulacan, Aurora, Nueva Ecija (BANE)-Irrigation Management Office manager, pansamantalang nilagyan ng sheet file ang nasirang bahagi ng Gate Bay 5 na suportado ng mga sandbag.

“As per recommendation of Vice Governor Alvarado, binago namin ang protocol ng dam at ibinaba ang level ng tubig upang hindi na mapuwersa ang rubber gates,” pahayag ni Ballesteros.

Ang nasabing Bustos Dam rehabilitation works ay nai-bid noong 3rd quarter ng 2016 sa halagang P1 bilyon kabilang na rito ang pag-kongkreto ng main canals. (ELOISA SILVERIO)

135

Related posts

Leave a Comment