(NI AL JACINTO)
PAGADIAN CITY – UMAABOT na sa mahigit isang dosena ang nasawi at 77 ang sugatan sa dalawang pagsabog ng bomba Linggo ng umaga sa Our Lady of Mount Carmel sa bayan ng Jolo sa lalawigan ng Sulu.
Unang sumambulat ang isang bomba na itinanim umano sa loob ng simbahan at habang nagpulasan ang mga tao ay isa pa ang sumabog sa labasan ng simbahan. Karamihan sa mga nasawi ay sundalo at sibilyan.
Walang umako sa pambobomba na naganap sa sentro mismo ng Jolo at halos isang lingo lamang matapos na ibasura ng mga residente ang kontrobersyal na Bangsamoro Organic Law o BOL sa referendum nitong Enero 21. Nais rin ng mga Tausug na umalis sa poder ng bagong Muslim autonomous region na patatakbuhin ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front bilang bahagi ng interim peace accord noon 2014.
Hindi pa malinaw kung paanong naipuslit ang mga bomba sa simbahan o nakalusot sa checkpoint ng pulisya at militar, ngunit malinaw na palpak ang seguridad sa Jolo. Naganap ang atake sa muling pagpapahaba ng martial law sa buong Katimugan dahil sa banta ng terorismo.
Walang ibinigay na anumang pahayag ang militar at pulisya, at tikom rin ang bibig ng mayor ng Jolo na si Kerkhar Tan ukol sa pagsabog. Ilang ulit na rin inatake ang mga simbahang Katoliko sa Sulu na bahagi ng Muslim autonomous region.
Noong Agosto 2013, isang granada ang sumabog sa naturang simbahan at 2 katao ang sugatan. At noong 2012, isa pa ang inihagis sa bubungan at doon sumabog.
Sa Abu Sayyaf ibinintang noon ang lahat ng atake. At Disyembre ng 2010 ay inakyat naman ng Abu Sayyaf ang pader ng isang Katolikong simbahan sa loob mismo ng provincial police headquarters at pinasabog ang bomba kinabukasan na kung saan ay may isinagawang misa – 6 ang nasawi doon.
Dalawang katao rin ang patay at 17 ang sugatan ng bombahin naman ng Abu Sayyaf ang cathedral noong Hulyo 2009 at isa pang bomba ang nabawi ng mga sundalo.
163