BULACAN – Lima katao ang agad namatay habang kritikal ang isa pa nang salpukin ng tractor truck ang sinasakyan nilang AUV sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Malipampang, sa bayan ng San Ildefonso sa lalawigang ito, noong Martes ng madaling-araw.
Kinilala ang mga namatay na pawang mga sakay ng AUV Toyota Innova na sina Nelson Magundayao, driver; Arlene Sipcon, Crispin Garcia Jr., Crisanto Garcia, at Christopher Lachica, habang nakaligtas naman si Jansen Grengia, 34-anyos.
Nangyari ang insidente bandang alas-2:30 ng madaling araw na kinasangkutan ng Sino heavy tractor trailer truck na puti at may plate no. ABF4035, na naglalaman ng 20 toneladang animal feeds, na minamaneho ni Aurelio Bartequil, 59-anyos.
Bigla umanong nawalan ng kontrol ang driver sa manibela ng truck naging sanhi ng pagsalpok sa kasalubong na pulang AUV na Toyota Innova na may plate number NEP-5492, sakay ang mga biktima.
Base sa nakalap na CCTV footage ng San Ildefonso Police, iniwasan umano ng nasabing truck ang isa pang truck kaya’t napilitan itong kumabig sa kabilang linya kung saan ay paparating naman ang AUV ng mga biktima.
Dahil sa bigat ng karga ng truck ay hindi nito nakayang umiwas sa kasalubong na AUV kaya sumalpok ito hanggang sa tangayin at tumama pa sa poste.
Sa lakas ng impact ay nagkalasog-lasog at tila parang napiping lata ang AUV na ikinamatay ng naipit na mga sakay nito.
Bandang alas-6:30 ng umaga nang mailabas ang bangkay ng mga biktima habang himalang nakaligtas ang isang sakay nito na ngayon ay nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Nahaharap sa patong-patong na kaso ang driver ng truck na sumuko sa pulisya.
(ELOISA SILVERIO)
223