BACOOR CITY MAY PINAKAMATAAS NA KASO NG HIV SA REHIYON

HIV TEST-2

(NI SIGFRED ADSUARA)

NANGUNA ang Bacoor  City sa Cavite na may pinakamatas na bilang ng kaso ng Human Immunodeficiency virus o HIV sa rehiyon, sumunod ang Dasmarinas City at Imus City.

Ayon kay Dr. Michael Angelo Marquez, Medical Office III at Head ng City Social Hygiene Clinic, bukod sa pagtaas ng bilang ay pabata ng pabata na rin ang naitatalang kaso ng HID/AIDS kung saan mula sa 12-anyos pataas ang nahahawaan na ng ganitong sakit.

Ito ang dahilan  kung bakit nagsagawa ng isang araw na seminar workshop para sa mga kabataang estudyante para pag-usapan ang lumalalang kaso  ng HIV.

Tinawag itong “ Peer Educator’s Training for Junior and Senior Students and Teacher on HIV/AIDS” na isinagawa sa Revilla Hall, Bacoor Government Center sa Bacoor City, Cavite   na dinaluhan ng  161 na estudyante, mga Teachers at Guidance Councilors   kung saan layon nito na mabigyan kaalaman at ipamulat  sa kanilang isipan ang epekto ng  HIV/AIDS  sa rehiyon.

“We need to train them, increase their knowledge and encourage behavior change for them to become an effective messenger among their peers for preventing HIV and other sexually transmitted infections (STIs) in the school and the community,” ayon kay Dr. Marquez.

Sa datos, naguna ang Bacoor City na may 726 na kaso ng HIV/AIDS, sinundan ng Dasmarinas City  na may 686 at Imus City na may 616, mula 1984 hanggang April 2019.

Napag-alaman na ang naturang kaso ay mula sa edad na 15-24 anyos kung saan mataas dito ang male-to male relationship at sumunod lamang ang male-female incident.  Paliwanang ni Marquez kung bakit lumobo ang kaso sa Cavite dahil umano malapit lamang ang lugar sa National Capital Region (NCR); dumami na umano ang populasyon kung saan naglipana na ang mga ipinatatayong subdibisyon sa lugar at marami din umanong bahay-aliwan.

Sa datos ng HIV/AIDS Registry of the Philippines (HARP), tinatayang  9,926 HIV/AIDS ang naitalang kaso  sa rehiyon mula 1984 hanggang  April 2019 kung saan nanguna ang Cavite na may 3,555, sumunod ang  Rizal na may 2,667;  Laguna (2,032); Batangas (1,141) at  Quezon  na may 531 na kaso.

 

 

277

Related posts

Leave a Comment