Barangay officials kinondena ng mga benepisyaryo ‘SABOTAHE’ SA DOLE-TUPAD PAYOUT SA MONTALBAN

(JOEL O. AMONGO)

NAGKAISA ang halos 300 benepisyaryo sa pagkondena sa anila’y malinaw na pananabotahe ng ilang opisyal ng barangay sa pagdaraos ng Department of Labor and Employment -Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (DOLE-TUPAD) payout noong Oktubre 1 sa Barangay Burgos, Montalban, Rizal.

Sa panayam ng SAKSI Ngayon, hindi napigilan ng mga residente na manggalaiti sa galit dahil ginulo anila ang sana ay maayos na paghahatid ng ayuda sa kanila.

Kwento ni Marlyn Lipata, 40, residente ng Brgy. Burgos, bandang alas-9 ng umaga nang dumating siya sa Aranzazu covered court kung saan isinasagawa ang distribusyon ng DOLE-TUPAD at napansin na niyang umaandar ang makina ng firetruck.

Sa halip aniyang patayin ang makina upang hindi makaabala ay pinarebolusyon pa ang makina nito na nagbuga ng makapal na usok, dahilan para siya ubuhin at mahirapang huminga.

Ayon naman sa iba pang benepisyaryo, pagdating nila sa Aranzazu covered court nang umaga ay wala pa ang firetruck subalit makalipas ang ilang sandali ay dumating na ito at hindi na pinatay ang makina. Lalong nakaabala ang truck nang paandarin umano ang wang-wang nito.

“Walang mga respeto ang mga barangay official ng Brgy. Burgos na ito kahit na maraming tao na tumatanggap ng DOLE-TUPAD kung anu-ano ang kanilang ginagawa para maperwisyo kami at hindi matuloy ang distribusyon,” banggit pa ng mga benepisyaryo.

Pinatay lamang ang makina ng firetruck nang magkainitan na at muntik sugurin ng mga benepisyaryo ang mga taga-barangay.

Sa kalagitnaan ng distribusyon ng DOLE-TUPAD ay dumating si Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles ngunit habang nagsasalita ang kongresista ay sinabayan ito ng malakas na mikropono rin ng mga barangay official.

Hindi na ipinagpatuloy ni Nograles ang kanyang pananalita at mensahe sa mga benepisyaryo dahil halos hindi maintindihan ang kanyang sinasabi sa lakas ng mikropono ng barangay.

Katwiran naman ng ilang opisyal ng Brgy. Burgos, nagsagawa sila ng fire drill sa oras na nakasabay ang payout.

Naisakatuparan ang distribusyon ng DOLE-TUPAD sa tulong ni Nograles na may tunay na malasakit sa mga residente ng Montalban.

Maging ang mga reporter ng pahayagang ito ay nakaranas din ng panghaharass mula sa opisyal ng Brgy. Burgos sa pangunguna ni Brgy. Captain Melvin Ace Sta. Isabel kaya pinag-iisipan ng mga ito ang posibleng pagsasampa ng reklamo sa Office of the Ombudsman.

Naniniwala ang mga benepisyaryo ng DOLE-TUPAD na pinupulitika ni Sta. Isabel ang distribusyon ng payout. Posible umanong kakampi nito ang makakalaban ni Nograles sa 2025 midterm polls.

119

Related posts

Leave a Comment