ISABELA – Nalagutan ng hininga ang isang kawani ng ng Department of Science and Technology (DoST) Region-2 matapos pagbabarilin ng dating kinakasama makaraan ang pagtatalo sa kanilang bahay, iniulat nitong Biyernes ng umaga sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Lumen Valdepeñas, 39-anyos, residente ng Annafunan East, Tuguegarao City.
Sumuko naman sa pulisya ang suspek na kinilalang si Domingo Caranguian Jr., 45-anyos, caretaker, at residente ng Brgy. Leonarda, Tuguegarao City, Cagayan.
Batay sa report ng Tuguegarao City-PNP, nangyari ang insidente noong Huwebes ng gabi sa Maharlika Highway, Brgy. Leonarda, Tuguegarao City, Cagayan.
Napag-alaman, bigla na lamang umanong pinagbabaril ng suspek ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan.
Kaagad dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklarang patay na.
Pagkaraan ay tumakas ang suspek ngunit kalaunan ay sumuko sa mga awtoridad.
Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang suspek habang hindi muna binanggit ng pulisya ang posibleng motibo sa pagpatay. (ANNIE PINEDA)
P3-M SHABU NASABATSA CHECKPOINT
MISAMIS Oriental – Kalaboso ang dalawa katao makaraang makumpiskahan ng mahigit P3 milyong halaga ng umano’y shabu sa inilatag na checkpoint sa El Salvador City sa lalawigang ito, nitong Biyerne ng umaga.
Hindi na nakapalag nang arestuhin ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Jay Bade Villono, 41, driver at Nicholson Ubayubay Parajes, 37, pawang residente ng Cagayan De Oro City.
Ayon kay Region 10 Regional Director Police Brig. General Rolando Anduyan, nadakip ang mga suspek dakong alas-7:30 ng umaga sa Barangay Amoros, El Savador City ng nasabing lalawigan.
Napag-alaman, natanggap ng intelligence report ang El Salvador City Police Station hinggil sa pagbibiyahe umano ng malaking bulto ng shabu sa lungsod.
Agad naglatag ng checkpoint ang pulisya at nasabat nila ang isang asul na Toyota Avanza na may plakang P4 1415 kung saan nakasakay ang mga suspek.
Sa pagsisiyasat ay nakumpiska ng mga awtoridad ang kalahating kilo ng shabu na tinatayang mahigit P3 milyon ang halaga. (NICK ECHEVARRIA)
LIVE-IN PARTNERS TIKLO SA 8 KILO NG MARIJUANA
BULACAN – Nadakip ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Marilao police ang isang hinihinalang bigtime drug pusher at kanyang live-in partner makaraang kumagat sa inilatag na buy-bust operation at makumpiskahan ng walong kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana sa Estrella Homes, Brgy. Sta. Rosa 2 sa bayan ng Marilao sa lalawigang ito, kamakalawa ng gabi.
Base sa report na isinumite kay P/Col. Emma Libunao, acting provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO), kinilala ang mga arestado na sina Ros Adrian Abandon y Mangao, 27, alyas Adrian, kabilang sa drug watchlist ng Marilao Municipal Police Station, at Nika Maureen Dejon, 23, kapwa nakatira sa Block 3, Lot 4, Phase 1, Estrella Homes, Barangay Sta. Rosa ng nabanggit na bayan.
Bandang alas-7:35 kamakalawa ng gabi nang magkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng DEU-Marilao sa over-all supervision ni P/Lt. Col. Amado Mendoza Jr., Marilao police chief, sa tinitirahang apartment ng dalawang suspek sa Estrella Homes sa nabanggit na lugar.
Nang makabili ang undercover agent ng isang ziplock na may lamang marijuana ay agad dinakip ang dalawa.
Bukod dito, nakuha rin sa mga suspek ang siyam pang ziplock ng marijuana at ilan pang mga pakete gayundin Ang tatlong bote na may lamang katas ng damo na tinatawag na “Habisoil”.
Sa kabuuan, umaabot sa walong kilo ang nakumpiska na umaabot sa P960,000 ang halaga.
Napag-alaman, nagtangka ang suspek na gumamit ng shipping service company ngunit nang tumanggi si Abandon na buksan ang mga package ay nagkaroon ng pagdududa naging dahilan upang ipaalam ito sa mga awtoridad.
Inamin ni Abandon na bukod sa walk-in drug deal sa bayan ng Marilao, nag-o-operate din sila sa Las Piñas City at Cavite province sa pamamagitan ng online transaction.
Kasalukuyang nakapiit na ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Lalo pang pinaigting Bulacan PNP ang pagpapatupad ng kampanya laban sa ilegal na droga base sa direktiba ng Chief PNP at ni P/Brig. Gen. Rhodel Sermonia, regional director ng Police Regional Office 3 (PRO3). (GINA BORLONGAN/ELOISA SILVERIO)
NAUDLOT NA ROMANSA ITINULOY SA PATROL CAR; 2 TURISTA BUKING SA SEX SA BEACH
AKLAN – Naunsiyame ang kaligayahan ng dalawang dayuhan nang mabisto ng mga pulis ang kanilang pagtatalik sa dalampasigan ngunit dahil sa pagkalango sa alak ay itinuloy nila ang kanilang romansa sa loob ng patrol car, iniulat nitong Biyernes ng umaga sa Isla ng Boracay sa bayan ng Malay sa lalawigang ito.
Hindi na pinangalanan ng pulisya ang 26-anyos na babaeng British national at lalaking Australian national, 26, matapos pagpiyestahan ng mga taong dumaraan sa Bulabog Beach, Brgy. Balabag, Boracay, ng nasabing bayan.
Napag-alaman, inabutan ng mga pulis ang dalawang walang saplot habang nagtatalik kaya agad silang inaresto.
Pagsakay sa patrol car, tila wala pa rin nakikitang ibang tao ang dalawang dayuhan at itinuloy ang kanilang romansahan.
Ayon sa pulisya, kapwa lango sa alak ang mga biktima kaya hindi na nila mapigilan ang dalawa sa pagtatalik.
Sasampahan ng kasong grave public scandal/resistance at disobedience upon agent in authority ang dalawa. (ANNIE PINEDA)
NAKAHARANG SA KALSADA; 2 NIRATRAT, 1 PATAY
CAVITE – Patay ang isang 33-anyos na supervisor habang nakatakbo ang nakababata niyang kapatid makaraang pagbabarilin ng isa sa apat na mga suspek makaraan silang magtalo dahil nakaharang umano ang dalawang biktima sa kalsada sa Dasmariñas City sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Lordjim Ang, may live-in partner, sanhi ng tama ng bala sa katawan habang agad nakatakbo ang nakababata niyang kapatid na si Lord Jay Ang, 30, kapwa residente ng Block 32, Lot 18, Zurich St., Phase 2, San Marino City, Dasmariñas City.
Samantala, inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng apat na mga suspek na armado ng baril na tumakas lulan ng 4-wheel vehicle.
Sa ulat ni P/SSgt. Gilbet Santos ng Dasmariñas City Police Station, nag-aayos ng motorsiklo ang dalawa sa gilid ng kalsada dakong alas-2:20 nitong Huwebes ng madaling araw nang lapitan sila ng mga suspek na sakay ng isang gray na 4-wheel vehicle.
Sinita umano ng mga suspek ang mga biktima dahil sa umano’y nakaharang na nagresulta sa kanilang pagtatalo.
Isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at walang sabi-sabing binaril si Lordjim habang agad nakatakbo ang kapatid.
Makaraan ang pamamaril ay tumakas ag mga suspek sakay ng nasabing sasakyan sa direksiyon ng Burma St. ng naturang lungsod. (SIGFRED ADSUARA)
MIYEMBRO NG ROBBERY GROUP, UTAS SA GUN BUST
CAVITE – Patay ang isang miembro ng Ozamis Robbery Group nang nanlaban sa mga operatiba ng Cavite police nang tangkain siyang arestuhin matapos ang gun buy-bust operation sa bayan ng Silang sa lalawigang ito.
Dead on the spot ang suspek na si Esteban Letada, alyas Teban, binata, nasa listahan ng High Value Individual ng PRO 4A, at residente ng Block 48, Lot 7, Brgy. Acacia, Silang, Cavite.
Sa ulat ni P/SSgt. Aldwin Paulo Tibuc ng Silang Municpal Police Station, dakong ala-1:30 kamakalawa ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Regional Special Operating Unit Unit 4A (RSOU) at Silang MPS sa Block 48, Lot 7, Brgy. Acacia, ng naturang bayan laban sa suspek.
Matapos ang transaksiyon ay nagbigay ng hudyat ang poseur buyer para sa pag-aresto sa suspek ngunit pumalag ito at pumasok sa kanilang bahay.
Mabilis umanong kumuha ng baril ang suspek at pinaputukan ang mga awtoridad.
Gumanti naman ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Nakuha sa bahay ng suspek ang kalibre 9 mm, kalibre 5.56, kalibre .38, M-16 rifle, granada, sachet ng shabu at peluka. (SIGFRED ADSUARA)
LOLO NALITSON SA SUNOG
SOUTH Cotabato – Nalitson nang buhay ang isang 70-anyos na lolo nang ma-trap sa nasusunog niyang bahay, iniulat ng pulisya nitong Biyernes ng umaga sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Pepito Pacifico Jr., residente ng Park Hichanova, Brgy. Poblacion, Polomolok, South Cotabato.
Batay sa report ng Bureau of Fire Protection-Polomok, dakong alas-6:40 ng gabi nang magsimula ang sunog sa tahanan ng biktima.
Nabatid, hindi nakalabas ang biktima sa kanyang bahay dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang naging sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng mga ari-ariang natupok sa insidente. (ANNIE PINEDA)
237