Isusulong sa Kamara de Representantes ang pagsasabatas ng free legal aid program sa mga eskwelahang nagtuturo ng batas sa bansa upang solusyunan ang tambak na kasong idinudulog sa Public Attorney’s Office (PAO).
Ayon kay Rizal Second District Rep. Fidel Nograles, layunin ng panukalang batas na Legal Aid Program Act of 2019 na bigyan ng libreng tulong-legal ang mga mahihirap na Filipino.
“Ginagarantiya ng ating Konstitusyon ang pantay-pantay na pagkakataon sa katarungan ng mga mahihirap sa pamamagitan ng libreng serbisyong legal sa mga hukuman at mga quasi-judicial body, at ang pagtiyak na naibibigay ang sapat na tulong-legal para sa lahat, kahit na sa mahihirap,” paliwanag ng mambabatas.
Nakapaloob sa panukala na lahat ng pribado at pampublikong law school sa bansa ay magkakaroon ng kani-kanilang legal aid program batay sa isang komprehensibong national legal aid program na itatatag ng Legal Education Board (LEB) sa ilalim ng pangangasiwa ng Korte Suprema at pakikipagtulungan ng Department of Justice, mga Local Government Unit, Integrated Bar of the Philippines, Philippine Association of Law Schools, Association of Law Students in the Philippines, Office of Legal Aid ng University of the Philippines, at iba pang mga organisasyon.
“Iba ang karanasan ng ating mga kababayan dahil ang mga mekanismo ng estado para magbigay ng libreng tulong-legal ay ‘nabubulunan’ ng sobrang dami ng kasong idinudulog sa PAO. Nasa kanila ang aking paghanga ngunit malinaw sa bilang ng kanilang kasong hinahawakan na kailangan nating maghanap ng iba pang paraan upang masiguro na sapat ang natatanggap na ayudang legal at mga abogado para sa mga mahihirap,” dagdag pa nito.
Ayon kay Nograles, nasa 11,616,916 mahihirap na kliyente ang natulungan ng PAO noong 2017 at nasa 906,251 mga kaso ang kanilang nahawakan sa buong bansa.
“Sa bilang ng abogado ng PAO na nasa 2,000 lamang, karaniwang umaabot sa 5,794 kliyente ang kanilang inaatupag at aabot sa 458 mga kaso bawat isang abogado kada taon. Kaya maiintindihan natin kung bakit minsan ay sa ibang paraan na lamang idinadaan ng ibang kliyente ang kanilang mga kaso’t hinaing makakuha lamang ng abogado,” ayon kay Nograles.
Idinagdag pa n’ya na pataas ng pataas taun-taon ang bilang ng kanilang mga kaso at hindi sasapat ang bilang ng mga abogado.
Noong 2016, natulungan ng PAO ang 8,839,742 mahihirap na kliyente at 850,298 ang kasong kanilang hinawakan sa bansa; noong 2015, nasa 7,747,735 ang kanilang kliyente sa kabuuang 848,516 kaso.
“Nasa 31% ang karagdagang dami ng kliyente nila mula 2016 at 2017 at umabot sa 14% ang pagdami ng kanilang mga kliyente mula 2105 hanggang 2016. Dumadami ang nangangailangan ng abogado taon-taon,” dagdag pa nito.
Samantala, ayon pa sa panukala, popondohan ng taunang budget ang nasabing programa sa mga state universities and colleges (SUCs), samantalang sasangguni ang LEB sa mga pribadong pamantasan kaugnay ng programang ito, kabilang na ang mga subsidiya mula sa gobyerno at iba pang pondo mula sa pribadong sektor.
Ayon sa pag-aaral ng Ateneo Human Rights Center and Alternative Groups, tanging 31% lamang ng mga law school sa bansa ang mayroong legal aid program at apat na rehiyon ––CAR, ARMM (BARMM), Ilocos Region at Cagayan Valley –– ang walang ganitong programa.
“Dagli na itong kailangan, sa pamamagitan ng paglikha ng mga legal aid clinic sa mga law school sa buong bansa. Pag-uugnayin ng batas na ito ang pakikipagtulungan at koordinasyon tungo sa pagbibigay ng pantay na pagkakataon sa katarungan ang mga mahihirap,” wika pa ng solon.
Matatandaan na si Nograles, Ateneo at Harvard alumna ay nag-umpisang manilbihan sa mga taga-Rizal sa pamamagitan ng kanyang libreng legal aid program hindi pa man siya nahahalal bilang kinatawan ng Rizal.
135