PINALIPAD ang attack helicopters sa Sulu para sa iniutos na ‘all-out-war’ ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Abu Sayyaf na itinuturong nasa likod ng malagim na pagsabog sa Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu noong Linggo ng umaga.
Isinagawa ang air strike sa liblib na Patikul town at hinihintay ng awtoridad ang feedback mula sa tropa, ayon kay Col. Gerry Besana, spokesperson ng Western Mindanao Command.
Sa panayam, sinabi ni Besana na ito na umano ang all-out-war laban sa teroristang grupo at ang kautusan ng Pangulo na pulbusin ang Abu Sayyaf.
Dalawang pagsabog ang naganap noong Linggo kung saan inako ng Islamic State ang madugong insidente, hindi ito isinaisantabi ng militar ngunit iginiit na ang subgroup ng Abu Sayyaf na Ajang-Ajang ang nasa likod ng twin blasts.
Inilabas ng militar ang surveillance footage kung saan apat na teenagers ang nahagip at isa ang kinilalang si Kamah, umano’y kapatid ng napaslang na Abu Sayyaf leader. Sa footage ay makikitang may iniabot umano si Kamah sa isang kasamahan ilang segundo matapos ang pagsabog.
Naniniwala naman ang Pangulo na suicide bombers ang may gawa ng terorismo base na rin sa mga lasog-lasog na katawan ng isang umano’y babae na nakita sa pinangyarihan ng pagsabog.
414