(NI JG TUMBADO)
NASA halos isang bilyong piso na ang pinsala sa agrikultura bunsod ng panahon ng tagtuyot o ang El Nino phenomemon sa bansa.
Sa datos na nakalap ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mula sa inisyal na pagtataya na P464 Million, ngayon ay pumalo na sa mahigit P864 Million ang halaga ng pinsala sa agrikultura ng matinding tagtuyot.
Apektado ng naturang kalamidad ang MIMAROPA region at region 12.
Sa MIMAROPA, mahigit P158 Million ang pinsala sa mga pananim na karamihan ay mga palay at mais, habang sa Region 12 naman ay mahigit P705 Million na ang nalugi sa sektor ng agrikultura.
Inaasahan namang tataas pa ang naturang halaga habang patuloy na nangangalap ng datos ang NDRRMC at pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture.
Samantala, sa probinsya ng North Cotobato, sinabi ng NDRRMC na 44, 127 na pamilya o 220,000 katao na ang apektado ng El Nino mula sa mga bayan ng Alamada, Aleosan, Kabacan, Pigkawayan at Pikit.
Humihiling na rin ng cloud-seeding sa mga apektadong mga lugar upang hindi na lumawak pa ang sakop ng kalamidad.
277