ILIGAL NA CAMPAIGN MATERIALS, BINAKLAS SA BATANGAS

COMELEC BATANGAS

(Ni NILOU DEL CARMEN)

KASABAY nang pag-arangkada ng kampanyahan para sa mga lokal na posisyon, kumilos din agad ang mga tauhan ng Comelec sa mga bayan sa Batangas, kasama ang DPWH at PNP at pinagbabaklas ang mga illegal campaign materials na ikinabit ng mga kandidato.

Alas 6:00 pa lamang ng umaga ay pinagtatanggal na ng mga tauhan ng PNP at DPWH ang mga sobra sa sukat na mga tarpaulin, poster, mga billboards at maging ang mga campaign materials na inilagay sa mga hindi awtorisadong lugar at hindi mga common poster areas.

Kabilang din sa mga tinanggal ang mga pre-campaign period poster o ang mga oversized na mga tarpaulin na ikinabit bago pa man magsimula ang kampanyahan para sa lokal na halalan.

Ikinagalit naman ng ilang supporter ang pagkabaklas ng mga materials ng kanilang mga kandidatong sinusuportahan.

Ayon naman kay Luzelmarly Dapula, Comelec Election Officer ng Bayan ng San Juan, hindi dapat kagalitan ang Comelec dahil alam naman ng mga kandidato ang tamang sukat at kungsaan ang mga ito dapat ilagay.

Batay sa Comelec rules, 2 feet by 3 feet lamang ang pinapayagang maximum size ng mga poster ng mga kandidato na puwedeng ilagay sa common poster area na tinukoy ng Comelec.

Ang common poster area naman para sa isang partido ay may sukat lamang na pinakamalaki ay 12 feet by 16 feet.

Bawal ding pagkabitan ng mga poster ang mga puno sa kahaban ng mga highway.

149

Related posts

Leave a Comment