KALIGTASAN NG MGA TURISTA SA ZAMBO TINIYAK 

zamboanga city

(NI NICK ECHEVARRIA)

MAHIGPIT na babantayan ng Police Regional Office 9 (PRO-9) ang lahat ng mga lokal at dayuhang turista na magtutungo sa kanilang rehiyon para tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga ito.

Siniguro ni P/BGen. Emmanuel Luis D Licup, Director ng PRO9 sa mga turistang darayo sa kanilang lugar  na ligtas ang mga tourist spots sa buong Zamboanga Peninsula para bisitahin.

Katulong ang mga Local Government Units (LGUs) at Armed Forces of the Philippines ipinangako ng PRO9 na kaya nilang bigyan ng sapat na proteksyon ang mga turista laban sa mga Abu Sayaff Group (ASG), local terrorist group at iba pang criminal groups  na nagsasagawa ng terorismo at kidnapping activities sa lugar.

Binigyang-diin pa ni Licup na pinaigting na nila ang kanilang police operations laban sa mga nasabing grupo sa mga lalawigan ng Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Zamboanga City at Isabela City sa lalawigan ng  Basilan.

Sa datos ng PRO9, simula 2016 umaabot na sa 79 na mga miyembro ng ASG ang kanilang na-neutralisa, apat sa mga ito ang napatay habang 75 naman ang naaresto sa mga isinagawang law enforcement operations.

Malaki rin umano ang ibinaba ng mga insidente ng kidnapping kung saan sa 25 na naitala, 9 dito ang nangyari noong 2016, tatlo nong 2017 habang 13 noong 2018 at zero incident pa ang naitala ngayong 2019.

Ipinagmalaki din ni Licup na sa 25 biktima ng mga kaso ng kidnapping sa kanilang lugar 22 sa mga biktima ang matagumpay na na-rescue habang ang tatlong natitira ay nananatiling bihag ng mga teroristang grupo.

Tinukoy din ni Licup  ang Martial Law sa buong Mindanao at ang patuloy na operasyon ng gobyerno laban sa mga pro-ISIS na grupo ay nagrsulta sa paghina ng mga insidente ng kidnapping sa buong  rehiyon ng Zamboanga Peninsula.

Matatandaan na binalaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga dayuhang turista na umiwas pumunta sa Zamboanga para makaiwas sa pangingidnap ng mga teroristang Abu Sayaff.

Sa huli hinikayat  ni Licup ang publiko na makipagtulungan sa kanila kasabay ang utos sa kanilang mga field units na mag-coordinate sa mga local tourism agency para sa seguridad ng mga bumibisita at bibisita pa lang na mga local at foreign tourists sa kanilang rehiyon.

 

199

Related posts

Leave a Comment