Konsehal tinangkang ibudol-budol LALAKING NAG-ALOK NG PAMPABWENAS, MINALAS

INABOT ng kamalasan ang isang lalaking nagmula pa sa Cavite at dumayo sa lalawigan ng Quezon para magbenta ng umano’y pampaswerteng items, nang madiskubreng pekeng gold items ang ibinebenta nito.

Arestado sa entrapment operation sa Barangay Pansoy, San Andres, Quezon ang suspek na si Joven Alcantara, ng Barangay Talaba, Bacoor City, matapos tanggapin nito ang halagang P3,000 mula sa municipal councilor na si Edgar Lingahan kapalit ng isang umano’y gold item noong Miyerkoles ng hapon.

Isinagawa ng San Andres Police ang entrapment operation matapos ireklamo ang suspek ng 12 residente ng mga barangay ng Mangero at Talisay, na nabiktima at nabentahan nito ng iba’t ibang mga pekeng ginto at figurines.

Narekober sa suspek ang isa pang pekeng Golden Buddha at iba pang hininalang piraso ng mga pekeng ginto.

Modus operandi umano ng suspek na kumbinsihin at paniwalain ang mga residente na may gintong nakabaon sa kanilang lugar na siya nitong hinuhukay at ibinebenta sa mga biktima na karamihan ay mga magsasaka at mga ordinaryong maybahay.

Nakakulong na ang suspek sa San Andes Police Station at sasampahan ng patong-patong na kasong estafa. (NILOU DEL CARMEN)

80

Related posts

Leave a Comment