CAVITE – Patay ang isang 69-anyos na lolo nang nabangga ng isang motorsiklo habang tumatawid sa kalsada sa bayan ng Noveleta sa lalawigang ito.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Divine Grace Medical Center ang biktimang si Warlito Tadeo, may asawa, vendor ng Brgy. Magdiwang, Noveleta, Cavite, habang hawak na ng pulsiya ang driver ng motorsiklo na si Arman Villanueva, 45, binata, obrero, nakatira sa Brgy. Wawa 3, Noveleta, Cavite.
Sa ulat ni P/SSgt. Rodel Abutin ng Noveleta Municipal Police Station, naglalakad ang biktima at papatawid sa kalsadang sakop ng Brgy. Magdiwang ng naturang bayan dakong alas-7:30 nang mabangga siya ng minamanehong motorsiklo ni Villanueva na galing sa bayan ng Noveleta patungo sa Kawit.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang katawan ang biktima ng ilang metro dahilan ng matinding sugat sa kanyang ulo.
Isinugod ang biktma sa ospital ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas. (SIGFRED ADSUARA)
91