MAG-INA PINATAY, TIYUHING SUSPEK UTAS SA PNP-PRO5

0

PATAY sa follow-up operation ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 ang suspek sa pagpatay sa kanyang pamangkin at 6-anyos niyang apo sa Sorsogon, nang manlaban umano sa mga awtoridad.

Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo ng Sorsogon Provincial Police Office, kinilala ang suspek na si Joey Llames Blanca, tiyuhin at lolo ng mga biktima.

Una rito, bandang ang alas-diyes noong Huwebes ng umaga nang makatanggap ng tawag ang himpilan ng Castilla MPS na may mag-inang
pinatay sa mismong bahay ng mga ito sa Sitio Bagongon, Brgy. Tomalaytay, sa bayan Castilla.

Agad nagresponde ang mga awtoridad at tumambad sa mga ito ang duguang bangkay ni Rose Ann May E. Tariga, 23, at 6-anyos na anak nitong babae na ginilitan ng leeg at pinagsasaksak sa mukha at katawan.

Isa sa motibong nakikita ng Sorsogon Police Provincial Office, sa pamumuno ni Provincial Director P/Col. Arturo P. Brual Jr., ang tangkang panggagahasa sa ginang.

Si Rose Ann ay may tama ng mga saksak sa pagitan ng mga hita, halos maputol ang ulo, at basag ang panga.

Tinitingnan din ang anggulong sekswal na pang-aabuso dahil hubo’t hubad ang ginang nang madatnan ng mga kamag-anak.

Ayon kay PNP-PRO5 spokesperson, P/Major Malou Calubaquib, mapalad namang naiwang buhay ang isang taong gulang na sanggol na anak din ng biktima na nakitang tigmak din ng dugo.

Sa pakikipag-ugnayan sa mamamayan ng nasabing lugar, bandang alas-2:00 ng hapon ay natukoy ang kinaroroonan ng suspek sa Brgy. Bagalayag, Castilla, Sorsogon.

Habang binabagtas ng mga operatiba ang daan ay namataan nila ang suspek na agad nilang inaresto.

Agad namang inamin ng suspek ang ginawa niyang krimen sa kanyang pamangkin at apo.

Subalit nang pabalik na sa istasyon ng Castilla MPS dakong alas-3:00 ng hapon, pilit na nagpumiglas umano ang suspek, nakipagbuno sa arresting team at inagaw ang baril ng isang pulis sabay tutok at nagbadyang ipuputok.

Bunsod nito, napilitang magpaputok ang mga pulis bilang depensa na ikinamatay ng suspek.

“Mula sa hanay ng kapulisan ng Bicol, nais kong ipaabot ang aming taos pusong pakikiramay sa pamilya ng biktima sa kalunos-lunos na sinapitb nito.

Walang sino man ang dapat pang makaranas ng ganitong pangyayari, ang gusto natin ay isang maayos na komunidad at iyon ang pinagsisikapan nating ihatid sa ating mga kababayan.

Nais ko ring pasalamatan at bigyan ng pagkilala ang ating kapulisan na hindi nagdalawang isip puntahan ang kinaroroonan ng suspek.

Bagama’t nalagay ang kanilang mga buhay sa panganib ngunit ‘di nila ito alintana mabigyan lamang ng hustisya ang biktima.

At gayon din sa publiko na nagtimbre sa atin ng pinagtataguan ng suspek,” pahayag ni P/BGen. Estomo. (JESSE KABEL)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment