MAYOR BALDO ARESTADO!

baldo

(NI JG TUMBADO)

ISINAILALIM na sa kostudiya ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ng Police Regional Office-5 (PNP-CIDG-Bicol region) si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo, ang itinuturong mastermind sa pagpaslang kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe.

Ito ay kasunod ng isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad sa bahay ni Baldo sa Barangay Tagas dakong alas 2:30 ng Martes hapon.

Ayon kay Senior Supt. Rolando Ardiente, Regional Director ng CIDG-Bicol, bitbit ang dalawang search warrants sa ginawang pag raid sa bahay ng naturang alkalde.

Ang unang warrant ay para sa loose firearms at ang ikalawa ay para sa sasakyan na ginamit na get away vehicle sa krimen.

Nakumpiska ng pulisya sa paghalughog sa bahay ni Baldo ang dalawang .45 caliber pistol, ilang piraso ng granada, anim na grenade launcher at samut saring amunisyon.

Dito nakuha din sa operasyon ang isang Nissan Alterra na nasa garahe sa loob ng compound ng bahay kung saan sinasabing ginamit ng naarestong gun for hire group ni Baldo bilang get away vehicle ilang sandali matapos isagawa ang pagpatay kay Batocabe.

Agad dinala sa CIDG-Bicol sa Legaspi City ang dinakip na mayor at inaasahang ililipad patungong Camp Crame sa Quezon City para dito tuluyang idetine.

17

Related posts

Leave a Comment