MINDANAO BANTAY-SARADO

cotabato

(NI AL JACINTO)

NASA  mahigpit na pagbabantay ngayon ng militar at pulisya ang buong Mindanao matapos ng madugong pambobomba sa Cotabato City na ikinamatay ng 2 katao at pagkasugat ng 47 iba pa.

Habang papalapit ang referendum para sa Bangsamoro Organic Law na siyang isinisulong ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay lalong tumataas ang tensyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) dahil sa mga lugar na ayaw mapasama sa proposed Bangsamoro autonomous region.

Kabilang ang Cotabato City, Isabela City at Sulu sa mga pumapalag kontra sa Bangsamoro autonomous region na sinasabing pamumunuan ng MILF na halos mga tribong Maguindanaoan.

Bantay-sarado ang buong Cotabato, Isabela at Sulu ngayon, maging ang Zamboanga City ay nasa mahigpit na siguridad matapos itong iutos ni Mayor Beng Climaco dahil sa pambobomba nitong New Year’s Eve sa labas ng South Seas Mall sa Cotabato.

Agad naman isinisi ng militar sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Dawlah Islamiya na pawang mga pro-ISIS groups ang nasabing atake.

Hindi naman mabatid kung bakit pumalya ang militar at pulisya na mapigilan ang atake gayun nasa extended martial law ang buong Mindanao dahil sa banta ng terorismo.

Ngunit sinisipat rin kung may kinalaman dito ang mga hard core members ng MILF dahil sa pagmamatigas ni Cotabato Mayor Frances Cynthia Sayadi na mapasaka ang lungsod sa Bangsamoro autonomous region kung magwawagi ito sa referendum nitong buwan at sa Pebrero.

Kalat na rin sa Cotabato ang mga negosyo diumano ni MILF chieftain Murad Ebrahim at iba pang mga lider ng rebeldeng grupo na lumagda ng interim peace accord sa pamahalaan noong 2014 kung kaya’t ganoon na lamang ang nais ng mga ito na mapasama sa panukalang rehiyon ang lungsod.

Ang pambobomba ay kinondena ni ARMM Gov. Mujiv Hataman at tinawag nitong “terrorist act” ang atake. “We are irrevocably grieved about the casualties incurred, thoroughly condemn this act, and call for a thorough investigation. We need to make sure acts like these never happen again, and that the perpetrator is brought to justice.” Photo By Al Jacinto

 

 

193

Related posts

Leave a Comment