MWP SA CARNAPPING NATUNTON SA BAGUIO

BINITBIT ng mga operatiba ng District Investigation Division ng Special Mayor’s Reaction Team ng Manila Police District ang isang 33-anyos na driver na inakusahang carnapper, sa bisa ng arrest warrant sa Baguio City, unang pasok pa lamang ng taong 2023.

Kinilala ang suspek na si Ariana Jawod Manzano, binata, ng Sarok Camp 7, Baguio City.

Si Manzano ay naitalang most wanted person sa district level, nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 (An Act Providing New Anti-Carnapping Law of the Philippines).

Batay sa ulat ni Police Major Edward Samonte, hepe ng MPD-DID- SMaRT, bandang alas-4:00 ng hapon noong Enero 1, 2023, nang posasan ang binata sa tinuluyan nitong bahay, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Zita Marie Magundayao Atienza- Fajardo, ng Regional Trial Court Branch 224, National Capital Judicial Region, Quezon City na may petsang Setyembre 2, 2022 dahil sa nasabing  kaso.

Ayon kay Major Samonte, bago nila tinungo ang kinaroroonan ni Manzano, nakipag koordina muna sila sa Kennon Police Station 8 ng Baguio City.

Kaagapay nina Major Samonte ang ilang tauhan ni Police Senior Master Sergeant Ferdinand Reynante ng Criminal Investigation Unit ng NCRPO, sa pag-aresto sa suspek.

Gayunman, iniutos ng korte na maglagak ng piyansang P300,000 para sa pansamantalang paglaya ng suspek. (RENE CRISOSTOMO)

31

Related posts

Leave a Comment