PAMPANGA – Namahagi ng P2.5 milyong halaga ng relief goods ang Police Regional Office 3 (PRO3) sa mga pulis ng mga lalawigan ng Batangas at Cavite na apektado rin ng pag-aalburoto ng Taal Volcano.
Pinangunahan ni PRO3 Director P/BGen. Rhodel Sermonia ang relief operation sa Batangas Police Provincial Office sa Batangas City. Kabilang sa ipinamahagi ang sako-sakong bigas, toiletries, bottled water at mga delata na umaabot sa P2.5 milyon ang halaga.
Sinabi ni Sermonia, ang nasabing donasyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Association of Chiefs of Police in the Philippines para sa inisyatibong “Lingap para sa kapwa Pulis na biktima ng Bulkang Taal”, naglalayong kilalanin ang sakripisyo ng kapwa nila pulis na protektahan at paglingkuran ang publiko bagama’t sila ay biktima rin ng nasabing sakuna.
“We want them to feel that they are important and that as their comrades, we care and also provide our relentless outstanding service for them,” ani Sermonia.
Personal na tinanggap nina PRO4A Regional Director P/BGen. Vicente Danao Jr. at Batangas PPO Provincial Director P/Col. Edwin Quilates ang relief goods na lubos namang pinasalamatan ang PRO3 personnel. (ELOISA SILVERIO)
213