(NILOU DEL CARMEN)
ITINUTURING ng mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na pang-aabuso sa karapatang pantao ang pagsalakay ng mga pulis sa kanilang compound nang walang search warrant.
Mahigit 100 pulis mula sa iba’t ibang unit ng PNP kabilang ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Special Action Force (SAF) at mga tropa ng militar ang sumugod sa compound ng KOJC sa Barangay Sasa, Buhangin district, Davao City, Lunes ng madaling araw para isilbi umano ang warrant of arrest laban sa pinuno nitong si Apollo Quiboloy.
Pero agad ding pumuwesto ang mga tagasuporta ni Quiboloy sa entrance gate, na mistulang nag-human barricade at sumisigaw ng “Hustisya” para sa kanilang pastor, na nahaharap sa mga kasong child abuse, sexual abuse, and human trafficking.
Gumamit din ng megaphone ang isang tagasuporta para kondenahin ang mga batikos laban kay Quiboloy.
Bukod sa Kingdom of Jesus Christ Compound sa Buhangin District, pinasok din ng CIDG at PNP SAF ang compound ng Glory Mountain sa Tamayong, sa Calinan District, Davao City at maging ang QSands Baptismal Resort sa Island Garden City ng Samal, at ang Kitbog Compound sa Malungon, Sarangani Province.
Ayon sa mga tagasuporta ni Quiboloy, kumpleto sa kagamitan ang mga sumalakay na tauhan ng CIDG at PNP SAF na naka-full battle gear.
May ilan ding nasa loob ang nasaktan umano habang pilit pinapasok ng mga awtoridad ang compound na tahanan ng mahigit isang libong missionaries ng KOJC sa Davao City, Samal Island, at Sarangani.
Winasak ng mga awtoridad ang mga bakod at gate ng compound nang tangkain silang pigilan ng mga miyembro ng sekta.
Makikita rin sa mga larawan na may ilang pinosasan na mga tagasuporta ni Quiboloy pero hindi pa malinaw kung ano ang naging violation ng mga ito.
Ayon sa grupo ni Quiboloy, wala silang natanggap na search warrant kundi warrant of arrest ang bitbit ng PNP kaya pumalag ang kanilang supporters at hindi naging madali ang pagpasok ng mga otoridad dahil sa pagkilos ng mga tao.
Huminahon lamang ang mga supporter ni Quiboloy matapos marinig ang tinig ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pinapakalma ang lahat.
Nang mag-umaga na at lumiwanag ang paligid, nakapasok din ang mga tauhan ng PNP sa KOJC compound.
Hindi rin bababa sa 3 chopper mula sa PNP ang nakitang paikot-ikot sa bisinidad ng compound.
Hanggang nitong tanghali ng Lunes, wala pa ring opisyal na pahayag ang PNP kung natagpuan si Quiboloy sa alinman sa mga lugar na sabayang sinugod ng mga awtoridad.
Matatandaang mula nang ilabas ng korte ang warrant of arrest, hindi na nakita sa publiko ang kontrobersyal na pastor.
201