PULIS PATAY SA PAGRESPONDE SA ROAD RAGE

QUEZON – Patay ang isang pulis makaraang pagbabarilin nang magresponde sa insidente ng alitan sa trapiko sa bayan ng Candelaria sa lalawigang ito, noong Sabado.

Sugatan din ang dalawa pang biktima kabilang ang isang bata sa nasabing insidente.

Kinilala ang namatay na pulis na si Police Corporal Reniel Marin na nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Peter Paul Hospital sa Candelaria, Quezon, dakong alas-6:00 ng gabi.

Ayon sa report ng Candelaria Police, ang biktima ay nagresponde sa away-trapiko na kinasasangkutan ng dalawang tricycle driver na sina Morfie Azul at Teodolo Rustia na nagkagitgitan nang magkasalubong sa makitid na barangay road sa Sitio Bagong Pook, Brgy. Bukal Sur dakong alas-11:30 ng umaga.

Nagkasagutan muna ang dalawa bago dalawang beses na binaril ni Rustia si Azul na tinamaan sa katawan.

Mabilis na isinugod sa ospital si Azul samantalang tumakas naman si Rustia.

Sa follow-up operation, nagtungo ang tatlong pulis kabilang si Marin, sa bahay ni Rustia para sa imbestigasyon at arestuhin ito.

Subalit habang kausap ng misis ni Rustia ang mga pulis, dumating sa bahay ang kapatid ni Azul na si Efren Azul, isang army reservist, at walang habas na bigla na lamang namaril.

Tinamaan sa dibdib ang pulis na si Marin at ang 12-anyos na batang babaeng anak ng ginang.

Mabilis na isinugod sa ospital ang bata at ang pulis ngunit namatay ang huli.

Nasa ligtas nang kalagayan ang dalawang biktimang nasugatan.

Kapwa naman pinaghahanap pa ang tumakas na dalawang sangkot sa pamamaril.

Ayon sa Candelaria Police, napagkamalan ng suspek na si Azul ang tatlong pulis na sangkot sa pamamaril sa kanyang kapatid. (NILOU DEL CARMEN)

 

140

Related posts

Leave a Comment