RESORT OWNER PATAY SA PAMAMARIL NG KARIBAL SA NEGOSYO

QUEZON – Patay ang isang resort owner matapos na barilin ng may-ari ng katabing beach resort sa Barangay Bignay 1, sa bayan ng Sariaya sa lalawigan noong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ng Sariaya Police ang biktimang si Teodoro Abdon, 64-anyos, idineklarang dead on the spot dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa report, hinintay ng suspek na kinilalang si Jerry Caponpon at apat pa nitong kasama, ang pagdating ng biktima sa kanyang resort dakong alas-11:00 ng umaga,

Nang akmang papasok na ito sa gate, pinaputukan ito ng limang beses ng suspek.

Matapos na bumagsak, pinaputukan pa uli ito ng suspek ng dalawang beses at saka tumakas sakay ng tricycle kasama ang mga look-out nito na kinilala lamang sa mga pangalang “Ryan”, “Sukrates” at isang “Ambot” na pamangkin umano ng biktima.

Naiwan naman ang isa pa nilang kasama na si “Reynante” na naabutan ng mga pulis.

Ayon kay Sariaya Police chief, Lieutenant Colonel Carlo Caceres, awayan sa pag-aari nilang magkatabing properties ang motibo sa krimen.

Patuloy ang manhunt operation ng mga awtoridad para mahuli ang apat na mga suspek na pawang nahaharap sa kasong murder. (NILOU DEL CARMEN)

80

Related posts

Leave a Comment