(NI KEVIN COLLANTES)
PORMAL nang sinimulan Biyernes ang puspusang konstruksiyon ng Phase 1 ng Philippine National Railways (PNR) Clark Railway Project, na siyang magdudugtong sa Tutuban, Manila at Malolos sa Bulacan.
Mismong si Transportation Secretary Arthur Tugade ang nanguna sa idinaos na groundbreaking ceremony ng naturang proyekto, na bahagi ng North-South Commuter Railway (NSCR) Extension Project.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), target nilang makumpleto ang konstruksiyon ng proyekto sa taong 2021.
Sinabi ng DOTr na sa sandaling matapos ang proyekto ay inaasahang mas magiging mabilis at maginhawa na ang biyahe mula Maynila hanggang Bulacan.
Mula anila sa kasalukuyang travel time na isa at kalahating oras, ay magiging 35 minuto na lang ito.
Inaasahan naman ng DOTr na aabot sa mahigit 340,000 pasahero ang kayang serbisyuhan ng naturang linya ng tren araw-araw.
Sa panig naman ni Bulacan Governor Wilhelmino Sy-Alvarado, na dumalo rin sa groundbreaking ceremony, sinabi nito na sa pamamgitan ng proyektong ito, ay hindi lang magkakaroon ng mura, mabilis at maginhawang biyahe ang publiko, kundi mas mapapaunlad din nito maging ang kabuhayan at ekonomiya.
“This project will not be possible if not for the fact that this administration has settled with the Chinese gov’t [Northrail]. We settled without cost. Now, we can start and finish the project without any difficulty,” ayon naman kay Tugade.
Tiniyak rin niya na tulad ng mahigpit na habilin ni Pangulong Rodrigo Duterte ay walang korapsiyon sa proyekto.
Nabatid na ang Tutuban to Malolos ay ang unang bahagi ng PNR Clark Project na kalaunan ay aabot hanggang Clark, Pampanga.
155