(NI NICK ECHEVARRIA)
PINAIIMBESTIGAHAN ni Philippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde ang posibleng pagkakaroon ng kapabayaan ng security agency ng isang pribadong kompanya sa Balingasag, Mindoro na sinalakay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA), Lunes ng umaga.
Nagtataka si Albayalde kung bakit hindi man lang nakuhang ipagtanggol sa kabila ng malalakas na armas na hawak ng mga tauhan ng AY76 , ang security agency, ng Minergy Power Corporation, nang lusubin ng mga NPA ang power plant na kanilang binabantayan.
Mabilis din umanong nadisarmahan ang mga blue guards ng nasabing security agency at tinangay ng mga rebelde ang limang AK-47 assault rifles at mga bala, pinagnakawan din ang nasabing power producer ng mga radio transceiver sets at mga mahahalagang kagamitan.
Agad inutusan ni Albayalde ang Acting Director ng PNP Civil Security Group na si P/BGen. Roberto Fajardo para imbestigahan ang posibleng administrative at operational lapses ng pribadong security provider ng nasabing installation.
Ayon naman sa 403rd Infantry Brigade (403IB) ng Philippine Army naganap ang pag-atake ng mga armadong NPA sa quarry site ng Minergy Power Corporation sa Balingasag bandang alas-6:30 ng umaga nitong Lunes, kung saan pinaputukan ang mga gwardiya saka dinisarmahan.
Mariin ding binatikos ni Brig. Gen. Edgardo de Leon, 403IB commander, ang paglusob ng mga NPA sa isang civilian facility na manipestasyon aniya ng paglabag sa International Humanitarian Law (IHL).
385