SINDIKATO NG DROGA SA CAVITE, WALANG TAKOT

TILA walang epekto sa mga sangkot sa operasyon ng ilegal na droga ang calibrated community quarantine sa buong lalawigan ng Cavite dahil patuloy na nakaaaresto ng mga tulak ang kapulisan.

Kamakalawa, mahigit P3 milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa lalawigan na ikinaaresto ng lima katao na pawang nasa listahan ng Top Regional High Value Individual sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon (CALABARZON).

Kinilala ang mga naaresto na sina Kamar Mamintal, 30; Shiela Mae Canedo, 23; Roger Rodriguez, 32; Kyla Mamintal, 29 at asawang si Isahadam Abundas, 30-anyos.

Sa ulat ni PSSgt Aldwin Paulo Tibuc ng Imus City Police Station, dakong alas-4:25 kamakalawa ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng RDEU 4A, RID 4A, PDEA 4A at Imus CPS sa Brgy. Anabu II-D Imus City kung saan target si Mamintal na isang Top Regional High Value Indiviaul sa PRO-4A.

Nakumpiska kay Mamintal ang tinatayang 200 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P1,360,000.

Magkasama namang nakipagtransaksiyon sina Caniedo at Rodriguez sa isang poseur buyer bago ikinasa ang buy-bust operation dakong alas-6:30 kamakalawa ng gabi sa Brgy. Molino. 11, Bacoor City Cavite na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto at pagkakarekober ng tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P340,000; dalawang unit ng cellphone, isang itim na Bajaj na motorsiklo na may plakang 3795 FG; P1,000 cash at buy-bust money.

Dakong alas-7:30 kamakalawa ng gabi nang muling nagsagawa ng buy bust operation ang mga awtoridad sa Brgy. Molino IV, Bacoor City na nagresulta sa pagkakaaresto ng mag-asawang Mamintal at Abundas at nasamsam ang tinatayang 300 gramo ng shabu na may street value na P2,040,000.

Nabatid na ang mag-asawa ang direct supplier ng droga sa Brgy. Datu Esmael, Dasmarinas City, Cavite.

Sinasabi ring gumagamit ang mag-asawa ng iba’t ibang sasakyan sa pagdedeliber ng droga sa iba’t iabang lugar sa Cavite.

Sa kabuuan, tinatayang 550 gramo ng shabu ang nasamsam sa magkakasunod na operasyon. SIGFRED ADSUARA

165

Related posts

Leave a Comment