COTABATO City – Makaraang tanggihan ng mga residente ng Sulu ang ratipikasyon sa Bangsamoro Organic Law (BOL), sinabi ni dating Sulu governor Abdusakur Tan na nais nilang maging bahagi ng Zamboanga Peninsula (Region 9) at ihiwalay sa bagong Bangsamoro government.
Ang Sulu ang tanging lalawigan sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) na bomoto laban sa ratipikasyon ng BOL, sa No vote na nakapagtala ng kabuuang163,526 laban sa 137,631 Yes votes.
“We want to opt out of the ARMM and to belong to a progressive place like Region 9,” ayon kay Tan.
Aniya, nais ng Sulu na mapabilang sa “mainstream” makaraan maging pinakamahirap na lalawigan sa bansa.
Ayon sa data mula sa Philippine Statistics Authority, ang insidente ng kahirapan ay bumaba sa lahat ng ARMM provinces maliban sa Sulu.
“Ang tagal na pero under pa rin kami sa poorest region. May proyekto ang gobyerno dito pero hindi rin tinatapos, napapabayaan kami,” ayon kay Tan.
Si Tan ay nagsilbi bilang gobernador ng Sulu mula 2007 hanggang 2013 at vice governor mula 2013 hanggang 2016. Tumakbo siya sa ARMM bilang kalaban ni ngayon ay ARMM Gov. Mujiv Hataman noong 2016 elections ngunit natalo.
Noong 2007, pinangunahan ni Governor Hataman ang regional government party na nag-inspeksiyon sa Sulu at tumugon sa mga reklamo hinggil sa umano’y hindi natapos na mga proyekto.
Mariing itinanggi ni Tan ang alegasyong may nangyaring vote-buying sa Sulu. Aniya, ang resulta ng plebesito ay rekpleksiyon ng kagustuhan ng mga tao.
“Sino ang may malaking pera para bumili ng boto,” tanong ni Tan.
Aniya, mayorya ng mga mamamayan ng Sulu ay ayaw maging bahagi ng bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Kami na mga local leaders alam namin kung ano ang gusto ng mga tao kaya alam namin na mananalo ang ‘no’ dito,” dagdag ni Tan.
182