Suspek nagtago sa chiller P100K NAKULIMBAT SA FAST FOOD RESTO

CAVITE – Nagtago sa loob ng chiller at naghintay ng tiyempo saka pumasok ang suspek sa opisina ng isang kilalang fastfood restaurant at tinangay ang halos P100,000 cash na kita nito noong Lunes ng gabi sa Carmona City.

Inilarawan ang suspek ayon sa kuha ng Closed Circuit Television (CCTV), na nakasuot ng jacket, jogging pants, at sandal, bagama’t hindi malaman kung ano ang kulay ng suot na damit dahil black ang white ang footage.

Sa naantalang ulat, bandang alas-9:38 ng gabi nang pasukin ng ‘di nakikilalang suspek ang fastfood restaurant sa Brgy. Mabuhay, Carmona City, at noong Martes ng umaga nang ipagbigay-alam ng pamunuan ang insidente sa Carmona City Police Station.

Base sa footage sa CCTV sa loob ng restaurant, pumasok ang suspek bandang alas-9:38 ng gabi at nagtago sa loob ng chiller at lumabas bandang alas-10:16 ng gabi saka dumiretso sa opisina, sinira ang vault nito at tinangay ang tinatayang P91,505 cash.

Matapos makuha ang pera, tumakas ang suspek sa direksyon ng Biñan City, Laguna.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang maaresto ang suspek. (SIGFRED ADSUARA)

25

Related posts

Leave a Comment