(NI JESSE KABEL)
IPINAKITA ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na wala silang pakiramdam sa kapakanan ng mga sibilyan nang sirain nila ang tubo ng pinagkukunan ng malinis na tubig at tambangan pa ang mga sundalong nagkukumpuni nito.
Ito ang inihayag kahapon ni Capt. Joash Pramis, public affairs chief ng 9th Infantry Division ng Philippine Army nang salakayin ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang grupo ng mga sibilyan at sundalo sa Camarines Sur na ikinasugat ng pito katao.
Ayon kay Capt. Pramis, nag-aayos ang apat na sibilyan at mga sundalo ng sirang tubo ng tubig nang biglang umatake ang mga rebelde sa bahagi ng Sitio Burong-Burong sa Barangay Malinao bandang alas-7:40, Sabado ng umaga.
Nasa 10 rebelde ang nakasagupa ng tropa ng pamahalaan na tumagal ng 15- minuto.
Dagdag pa ni Pramis, lumabas sa imbestigasyon na intensyon ng mga rebelde na sirain ang water system sa naturang barangay.
Nagpadala naman ng karagdagang sundalo para sa ikinasang pursuit operation sa pagtugis sa mga rebelde.
143