ILALATAG ng Malakanyang ang mga programa nito kontra fake news.
Ang pahayag na ito ni OPS Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Atty. Cheloy Velicaria-Garafil ay bilang tugon sa Pulse Asia survey na nagpapakita na 90% ng mga Pilipino ang exposed sa fake political news.
“Ito po ay isang seryosong bagay na tututukan ng OPS. Kaya nga ngayon meron kaming mga programa na ile-lay down in the coming days… kasi gusto rin talaga natin na ma-address itong mga problema ng fake news,” ani Velicaria-Garafil sa press briefing sa Malakanyang.
Ang resulta ng survey, isinagawa sa pagitan ng Setyembre 17 hanggang 21, ay nagpapakita rin na 86% ng mga Pilipino ay naniniwala na ang false o fake news ay problema sa bansa.
Samantala, 58% ng respondents ang nagsabi na ang social media influencers, bloggers, at vloggers ang “top peddlers” ng fake news tungkol sa gobyerno at pulitika, sinundan ng mga mamamahayag na may 40%, at national level politicians na may 37%.
Sa ngayon, patuloy na pinag-aaralan ng Office of the Press Secretary (OPS) ang akreditasyon ng vloggers na nagnanais mag-cover sa Malakanyang.
Sa isinagawang Senate budget hearing para sa panukalang P1.04 bilyong budget ng OPS para sa fiscal year 2023, tinanong ni Senador JV Ejercito si Velicaria-Garafil kung itutuloy pa rin ang planong i-accredit ang mga vlogger.
Ang naging tugon naman ni Velicaria-Garafil ay nagpapatuloy ang pag-aaral sa bagay na ito.
Aniya pa, hihingi sila ng guidance o patnubay mula sa ibang sektor ukol sa bagay na ito. (CHRISTIAN DALE)
242