RAPIDO ni PATRICK TULFO
MAINIT na topic ngayon ang paglaganap ng mga online sugal, kabilang na rito ang matagal nang na-ban na E-Sabong kung saan lumantad ang umano’y tao ng mastermind sa pagkawala ng nasa 108 na sabungero.
Hati naman ang mga mambabatas tungkol sa pagpapatigil sa mga sugal na ito.
Sa panukala ni AKBAYAN Rep. Chel Diokno, kailangang limitahan lamang ang access sa mga online sugal at casino. Ang pagkakaroon ng mas mahigpit na patakaran ang kinakailangan upang hindi ito maging bukas sa lahat.
Pero si Sen. Migz Zubiri ay ipinanukala ang “total ban” sa lahat ng uri ng online sugal.
Dapat ay pag-aralang mabuti ng ating mga mambabatas ang kanilang gagawing hakbang sa mga online sugal, ito ay dahil malaki ang ambag sa pondo ng bayan katulad na lang ng PCSO.
Sa aking opinyon, mas mabuting gawing legal ang mga sugalang ito ngunit dapat may limitasyon.
Sa ganitong paraan ay mare-regulate ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang mga online sugal na ito o mas mababantayan ng PAGCOR kung may nilalabag man ang mga ito.
Sakaling i-ban ang mga ito, naniniwala akong patuloy lang itong lalaganap nang underground dahil likas na mahilig magsugal ang mga Pinoy bilang kanilang libangan.
Bakit ba namayagpag ang sabong, ending, jueteng at iba pang sugal? Kasi ang mga parokyano ay naghahanap talaga ng kanilang paglilibangang sugal.
Kailangan lamang itong dagdagan ng mga restriksyon upang ‘di agad ma-access ng lahat, lalo na ng mga estudyante at menor de edad.
…………………………………………………………………………………………………………………………………………………..
Dapat ay isama ng Land Transportation Office (LTO) ang pagbabawal sa mga mayayabang sa kalsada.
Ang pagiging mayabang sa kalye ang kadalasang ugat ng away-trapiko at aksidente.
Kamakailan nga ay nag-viral ang content creator na si Josh Mojica dahil sa paggamit nito ng cellphone o pagba-vlog habang nagda-drive ng isang sports car.
Ayon sa LTO, ipinatawag na nila si Mojica at ang may-ari ng sasakyang dina-drive ni Mojica. Mahaharap sa tatlong (3) kaso si Mojica kabilang na ang reckless driving, violation of the Anti-Distracted Driving Act (Sec. 4 of R.A. No. 10913) at Improper Person to Operate a Motor Vehicle (Sec. 27 (a) of R.A. No. 4136).
Suspendido na ng 90 araw ang lisensya ni Mojica na nagpairal ng kayabangan at ‘di gumamit ng utak habang nagmamaneho.
