IDEDEKLARA bilang protected areas ang ilang lugar sa lalawigan ng Masbate, Negros Oriental at Pampanga upang isailalim ito sa pangangalaga ng pamahalaan sa isang panukalang batas na
isinusulong ni Senador Cynthia Villar.
Sa pahayag, sinabi ni Villar na kailangang amiyendahan ang Republic Act 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Areas System (E-NIPAS) Act para maisama sa protected areas ang
tatlo pang lugar sa Pilipinas.
“We have to put in place adequate conservation measures and appropriate management schemes to safeguard the biodiversity of ecologically rich and biologically important areas in our country so
that present and future generations will continue to benefit from it,” sabi ni Villar, chairperson ng Committee on Environment and Natural Resources.
Inihain ni Villar ang Senate Bill 1712 na magdedeklara sa Hinakpan Mystical Hills sa Negros Oriental na protected area sa kategoryang natural monument.
Ang Hinakpan Mystical Hills ay isang grupo ng may 237 conical limestone peaks na kakaiba ang hugis at laki na makikita sa highland ng Guihulngan City. Sakop nito ang 1,331 ektarya na nakakalat sa ilang komunidad sa Hinakpan at kahalintulad din ng Chocolate Hills ng Bohol.
May katulad din na panukala ang isinampa ni 1st District of Negros Oriental Rep. Jocelyn Sy Limkaichong sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Inihain din ni Villar ang Senate Bill 1711 upang isama ang Tugbo Watershed Forest Reserve sa Masbate bilang E-NIPAS protected site.
Nagsisilbi itong watershed na pangunahing pinagkukunan ng tubig sa Masbate City at Mobo. Ito ay isang moderate hanggang intensive forest cover sa mountainous topography.
Binigyan-diin ni Villar na ang mga hamon sa conservation efforts sa watershed ay kinabibilangan ng deforestation, illegal logging, hunting ng wildlife, at iba pang nakasisirang gawain ng mga tao gaya ng quarrying.
Naghain din si 2nd District of Masbate Rep. Elisa T. Kho ng counterpart measure nito, ang House Bill 462.
Sa SB 1713, isinusulong din ni Villar ang deklarasyon ng Mount Arayat sa Pampanga bilang isang protected area.
Isang “fabled mountain” ang Mt. Arayat na dating kilala sa tawag na “Bunduk Alaya” o ” Eastern Mountain” na matatagpuan sa Arayat at Magalang. May taas itong 1,026 meters mula sea level at
kinukonsiderang “extinct stratovolcano.”
Ilan sa mga katangian nito ay ang pagiging natural habitats ng endemic at endangered flora at fauna, mahalagang kukunan ng tubig na gamit sa bahay at agrikultura ng mga nakapaligid na
komunidad, malinis na tubig mula sa waterfalls at nakabibighaning rock formations.
Tirahan ito ng may 49 species ng mga puno, 86 species ng wild birds, 14 species ng mammals at 11 species ng reptiles. Makikita rin dito ang threatened tree species gaya ng Kamagong gubat, Tindalo, Kupang at Bangkal at endangered species gaya ng Arayat Pitogo, Bitaog at Teak. Tirahan din ang bundok ng monkey species na tinatawag na Philippine macaque.
Inihain ni 3rd District Pampanga Rep. Aurelio D. Gonzales Jr. ang katulad na panukala sa Kamara.
Sa kasalukuyan, may 107 protected areas na sumasakop sa tatlong milyong ektarya sa Pilipinas na nadeklarang protected areas sa pamamagitan ng legislation.
Base sa records at suitability assessments ng Biodiversity Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources, sinabi ni Villar na marami pang lugar sa bansa na kailangang bigyan ng ‘protected area’ status sa pamamagitan ng legislative action upang matiyak ang pagpapanatili sa mga ito.
Si Villar ang principal author ng E-NIPAS Act na nagpalawig sa listahan ng protected areas mula 13 hanggang 107. Kabilang dito ang mga sikat na tourism destinations kabilang na rin ang
internationally-recognized critical zones. Nilagdaan ang batas noong June 22, 2018. (ESTONG REYES)
