HINDI lamang katunog ng tsitsirya at pangalan ng cellphone ang recipient o nakatanggap ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte kundi prutas, kamote at isang gang.
Ito ang natuklasan ng House prosecution panel na patuloy na sumusuri sa mga pangalan na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa Commission on Audit (COA) na recipient ng confidential funds ng Pangalawang Pangulo.
“Una, may chichirya at cellphone. Ngayon, may prutas at kamote na. At higit sa lahat, mukhang ‘Dodong Gang’ na ito! Hindi lang isa, hindi lang tatlo—limang Dodong ang nasa listahan,” pahayag ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos matuklasan ang mga pangalang “Jay Kamote”, “Miggy Mango”, “Dodong Alcala, Dodong Bina, Dodong Bunal, Dodong Darong at Dodong S. Barok” sa listahan ng mga recipient na may acknowledgement receipt na nilagdaan.
Unang natuklasan ng Kamara ang mga pangalang “Mary Grace Piattos, Kokoy Villamin, Pia Piatos-Lim, Renan Piatos at Xiaomi Ocho na tumanggap umano ng confi funds na ipinagkatiwala kay Duterte noong 2022 at 2023.
Sinabi ng mambabatas na ang mga pangalang ito ay kasama sa 1,593 recipient sa confidential funds ni Duterte na pawang walang birth, marriage, death records sa Philippine Statistics Authority (PSA).
“Anong klaseng payroll ito? Imaginary? Hindi natin matukoy kung totoong tao ba ang mga tumanggap ng perang galing sa CIF,” ani Ortega.
Hindi lang ito kapabayaan—ito ay isang maingat na planong paglustay sa pondo ng bayan. Peke ang mga pangalan, peke ang liquidation, at peke ang pananagutan,” dagdag pa ng mambabatas na kabilang sa spokesman ng Kamara.
Ang paglustay sa confidential funds ni Duterte ay kabilang sa 7 article of impeachment na isumite ng Kamara sa Senado na tatayong impeachment court na ayon kay Ortega, habang tumatagal ay lalo umanong lumalakas ang kaso.
Sa ngayon ay patuloy ang paghahanda umano ng prosecution panel kahit wala pang kasiguraduhan kung kailang sisimulan ng Senado ang paglilitis kay Duterte na ngayon ay abala sap ag-aasikaso sa kaso ng kanyang ama na nakakulong ngayon sa The Hague, Netherlands. (PRIMITIVO MAKILING)
