HINDI pa man nag-iinit sa pwesto bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Ilocos Norte, pinuntirya agad ng isang sindikato ang presidential son na kinakaladkad sa isang modus para makapanloko.
Sa isang pahayag, mariing pinabulaanan ni Senior Deputy Majority Leader Rep. Sandro Marcos ang kumakalat na modus sa social media kung saan mayroon umanong inorganisang fund-raising event” na isinusulong umano ng batang Marcos.
Giit ng batang Marcos, wala siyang kinalaman sa mga aktibidades ng “Sandro Marcos Unofficial” na una nang napaulat na nangilak ng P4,500 kada ulo para dumalo sa isang pagtitipon (Meet and Greet) kung saan pwede diumanong makaharap, makausap at maka beso-beso ang anak ng Pangulo.
Bukod sa naturang pagtitipon, napag-alaman din umano ng mga katuwang niya sa kanyang tanggapan sa Kamara na patuloy pa rin ang panloloko ng naturang grupong paandar naman ay ang adbokasiya ng batang kongresista.
“Wala akong kaugnayan sa Sandro Marcos Unofficial” FB page na yan.”
“I appreciate all your support, but it will all go to waste if my name will be tainted by irresponsible and unscrupulous individuals or groups. Let us be mindful of our actions and ensure that solicitations of any kind from unauthorized groups are not entertained,” hirit ni Congressman Marcos.
Pag-amin ng bagitong kongresista, mayroon naman siyang mga personal na social media accounts – tig-iisang account para sa Facebook, Instagram, Twitter, Tiktok at YouTube. (BERNARD TAGUINOD)
