QUEZON – Balik-selda na ang presong nakatakas mula sa kulungan sa bayan ng Taysan, Batangas makaraang matunton ng mga awtoridad sa kanyang pinagtaguan sa Lopez, Quezon nitong Biyernes ng umaga.
Nabulaga ng mga tauhan ng Taysan at Lopez police ang suspek na si Rudy Basia sa tinutuluyan nito sa Barangay San Francisco, Lopez, Quezon dakong alas-7:30 ng umaga.
Bagama’t nakorner na, tinangka pa ng suspek na paputukan ang papalapit na mga pulis gamit ang isang .38 kalibreng baril kaya napilitang barilin ito ng mga operatiba.
Tinamaan sa hita kaya napilitang sumuko ang suspek na dinala sa Magsaysay Memorial District Hospital sa nasabing bayan.
Si Basia na residente ng katabi lamang na Brgy. Calatipayan sa bayan ng Lopez, ay nakatakas mula sa Taysan locked-up cell matapos na magdahilan na nahihirapang huminga habang nasa selda.
Bigla itong kumaripas ng takbo nang mailabas ng duty jailer at pansamantalang paupuin sa lobby habang tumatawag ang pulis sa ospital. (NILOU DEL CARMEN)
479 