“MAGANDA ang katayuan sa ranking ng ating mga boksingero, kung hindi nga lang naapketuhan ng pandemic ang professional sports.”
Ito ang pahayag ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra hinggil sa patuloy na epekto ng COVID-19 pandemic sa mga Pilipinong boksingero.
“Napalaban na sa mga local at international promotions ang ating mga fighter at posibleng mailaban sila para sa titulo,” dagdag ni Mirta.
Dalawang Pinoy ang top two contender para sa flyweight division (112 lbs.) ng World Boxing Council (WBC) Asian Boxing Council na kasalukuyang tangan ni Thananchai Charunphak ng Thailand.
Sa pinakabagong rating na inilabas ng WBC-ABC para sa buwan ng Agosto, hawak nina Chris Afante at Ardin Diale ang No.1 at No.2 position para sa titulo na huling nadepensahan ni Thananchai noong Nobyembre 7, 2020.
Lima pang Pinoy – Adrian Lorasan (No.6), Giemel Magramo (7), Ricardo Sueno (8), KJ Cataraja (10), Diomel Diocos (11) at Rencel Paet (13) – ang kabilang sa top 15 ng naturang division na tradisyunal nang dinodomina ng mga Pinoy.
Umangat naman sa No.3 ang rising boxing star at undefeated na si Carl Jamess Martin sa bantamweight class (118 lbs.) na kasalukuyang hawak ni Nawaphon Nakourloung ng Thailand, na apat na ulit nang nakapagdepensa mula nang makamit ang titulo noong Hulyo 21, 2018.
Nasa likod siya nina No.1 Petch CPF ng Thailand na ngayon ay Continental Championship title holder at No.2 Yougu Yu ng China. Nananatili namang bakante ang Silver Championship sa naturang division, na posibleng maihirit ni Martin sa pagbabalik aksyon matapos muling maghigpit sa quarantine status ang bansa.
Sa Super bantamweight (122 lbs.) top contender si Rolando Servania sa titulo na hawak ni Chanoi Worawut ng Thailand. Tagumpay sa ikatlong pagdepensa si Worawut noong Marso 13, 2021, habang No.2 contender sa featherweight division si Mark Magsayo sa titulo na kasalukuyang bakante. Tangan ni Raut Aghayev ang top ranking. Nasa No.5 si Ongen Saknosiwi ng Indonesia na kasalukuyang Continental champion.
No.2 ranked si Defry Paluki sa super featherweight (130 lbs.) na pinaghaharian ngayon ni Jackson England ng Australia.
“Kaya muli ang panawagan namin sa ating mga local promoters na tulungan ang ating mga boksingero na makalaban sakaling mapayagan na muli ang bubble set-up sa boxing promotions,” ang hirit ni Mitra. “Apektado ng todo ang ating mga boksingero sa pandemic.”
Iginiit din ng GAB chief na kasalukuyan pang nasa proseso ang apela nila kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa dagdag na P1,850.0000 ayuda sa 300 GAB licensees boxers, combat fighters at personnel sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Nauna nang nakapagpalabas ang pamahalaan ng mahigit P3 milyon para ayudahan ang 300 GAB licensees noong Mayo sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) AICS program.
235 