ARESTADO ang isang police officer at tatlo pang hinihinalang bigtime drug personalities sa hilagang Luzon makaraang mahulihan ng 20 kilo ng umano’y shabu sa isinagawang anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Baguio City.
Ayon sa inisyal na ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General, Usec. Isagani Nerez, tinatayang P136 milyon ang halaga ng umano’y shabu na nakumpiska mula sa apat na high value target, isa rito ay police personnel, na kanilang nahuli sa isinagawang buy-bust operation.
Batay sa ulat, bandang alas-11:02 ng umaga nitong Martes, inilunsad ang buy-bust operation sa pangunguna ng PDEA Regional Office-NCR, katuwang ang PDEA RO CAR, at PNP sa area ng South China Sea Green Valley Subdivision sa Brgy. Dontogan, Baguio City.
Nakuha sa apat na suspek ang 20 piraso ng heat-sealed transparent plastic pack na naglalaman ng white crystalline substance na pinaniniwalaang shabu na tumitimbang ng 20,000 kilograms, at may standard drug price na P136,000,000.
Kabilang sa nasamsam na non-drug evidence ang ilang cellular phones, buy-bust money, baril at sasakyan na pinaniniwalaang ginagamit sa kanilang illegal transactions, at identification cards.
(JESSE KABEL RUIZ)
