MARIING tiniyak ni QCPD Acting Director, PCol. Melecio Buslig, Jr., na sinampahan ng patong-patong na kaso ang pulis na sangkot sa insidente ng road rage na nauwi sa pamamaril at pagkamatay ng isang motorista bandang alas-6:30 ng gabi noong Marso 20, 2025, sa Tandang Sora Avenue, Brgy. Old Balara, Quezon City.
Nabatid mula kay PMaj. Don Don M. Llapitan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), kinilala ang suspek na si PEMS Randy Enano Tuzon, 48, residente ng Brgy. Kaligayahan, Quezon City.
Ayon sa imbestigasyon ng CIDU, minamaneho ng biktimang si Ronnie Casero Borromeo, 42, kasama si Reynaldo Hagos, 51, ang isang Mitsubishi L300 van, nang umano’y gitgitin sila ng isa pang L300 van na minamaneho ng isang pulis na nakatalaga sa Batasan Police Station (PS 6).
Sinabi sa ulat na sa gitna ng gitgitan ng sasakyan, bumaba ang suspek at nilapitan sina Borromeo at Hagos upang komprontahin subalit sa gitna ng kanilang pagtatalo, kumuha umano si Borromeo ng bakal at ipinalo sa suspek, kaya agad naman itong bumunot ng baril at pinaputukan ang mga biktima.
Matapos ang insidente, kusa namang sumuko ang suspek sa mga pulis na nakatalaga sa Commonwealth Avenue, kasabay ang pagsuko sa baril na ginamit sa insidente.
Samantala, isinugod si Hagos sa East Avenue Medical Center para sa medical treatment, habang si Borromeo ay dinala sa Diliman Hospital ngunit idineklarang patay na bandang alas-8:05 ng gabi sa parehong araw.
Nabatid na sa isinagawang forensic examination, nabatid na tinamaan si Borromeo ng maraming bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang si Hagos ay tinamaan ng bala sa kaliwang balakang at hita.
Napag-alaman na ang suspek ay sinampahan ng kasong murder; frustrated murder, at paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at B.P. 881 (Omnibus Election Code) alinsunod sa COMELEC Resolution No. 11067, noong Marso 22, 2025.
(PAOLO SANTOS)
