MULING nakatanggap ng banta ang Cavite State University (CAVSU) main campus, na umano’y papasukin at aatakehin ng dalawa katao ang mga campus nito.
Sa natanggap na e-mail bandang alas-6:00 ng umaga mula sa “anonyyymoussszzz2gmail.com” ng Central Student Government (CSG) ng CAVSU, nagsasaad ang bantang pag-atake sa kanilang main campus sa Indang, Cavite at sa kanilang satellite campuses.
Nakasaad din sa email na dalawang ‘di kilalang kalalakihan na nakasuot ng itim na caps at naka-corporate attire ang papasok umano sa nasabing campuses gamit ang CAVSU identification cards at magsasagawa ng pag-atake.
Hindi naman binanggit kung kailan at anong oras gagawin ang pag-atake sa mga campus ng CAVSU.
Dahil dito, agad ipinag-utos ng pamunuan ng unibersidad sa kanilang mga opisyal na makipag-coordinate sa pulisya.
Matatandaang unang nakatanggap nang halos sabay-sabay na tawag ang ang limang campuses ng CAVSU sa Indang, Bacoor, Carmona, Silang at Cavite City na umano’y pasasabugin ang mga ito.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ang pulisya hinggil sa kasong ito.
(SIGFRED ADSUARA)
