PUV DRIVERS AT OPERATORS, ISAMA SA SERVICE CONTRACTING PROGRAM

HINIMOK ni Senador Risa Hontiveros ang Department of Transportation (DoTr) at ang Land Transport Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na isama sa service contracting program ang mga public utility vehicle (PUV) drivers at operator na hindi pa nakakabili sa PUV modernization.

“Sinusuportahan ko ang paglalagay ng malaking budget para sa service contracting program ng LTFRB. Pero inaalala ko na baka i-discriminate o hindi isali ang mga tsuper na hindi pa kabilang sa PUV modernization program ng gobyerno,” saad ni Hontiveros.

“Ang service contracting ay dapat para sa lahat, hindi lang para sa kasama na sa PUV modernization program. Wala dapat diskriminasyon sa operators at drivers at dapat siguruhing lahat ay may pagkakataong sumali sa service-contracting at libreng sakay program,” dagdag ng senador.

Iginiit ng mambabatas na hindi bababa sa 50 porsiyento ng jeepney at UV operators ang hanggang ngayon ay hindi pa nakikiisa sa programa dahil sa mga isyu at problemang kinakaharap sa implementasyon nito.

Una nang sinabi ng DoTr na ang layunin ay gawing pangunahing bahagi ng modernisasyon ng PUV ang service contracting.

Nangangahulugan ito na ang nakalaang badyet para sa service contracting ay maaaring gamitin para maengganyo ang hindi pa kabilang sa programa.

Binigyang-diin ni Hontiveros na kahit gusto ng mga tsuper at operator na maging bahagi ng PUV modernization, may mga dahilan kung bakit sila nag-aalangan.

Kabilang dito ang matinding pagtaas ng presyo ng mga makabagong jeepney at bus, gayundin ang mga produktong petrolyo, pero limitado pa rin ang pwedeng maisakay sa isang byahe.

“Our drivers are deep in debt and their cooperatives naturally hesitate to take on more debt — which is unavoidable under the fleet replacement scheme. Hindi natin sila masisi kung hanggang ngayon, hindi pa rin sila makausad. There is too much uncertainty that casts doubt on the viability of the program as it was originally designed,” paliwanag ni Hontiveros.

Dahil dito, hinimok niya ang mga kinauukulang ahensya na tingnan ang solusyon na iminungkahi ng mga transport group na gobyerno ang bumili ng modern jeep at iparenta na lamang sa mga kooperatiba.

“Kailangang humanap ng solusyon na win-win para sa lahat. Service contracting is a central part of international best practices — transport should be treated as a public service that the government pays for so that public transportation will be safe, ubiquitous, convenient, affordable, and a source of stable incomes for our tireless transport workers,” diin pa ni Hontiveros. (DANG SAMSON-GARCIA)

240

Related posts

Leave a Comment